Negatibong epekto ng price cap ni BBM PALAY BAGSAK PRESYO NA

(BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T isang linggo pa lamang mula nang ipatupad ang Executive Order (EO) 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagtakda ng price cap sa bigas, ramdam na ng mga magsasaka ang negatibong epekto nito.

Ito ang napag-alaman sa grupong Amihan at Bantay Bigas matapos makatanggap ang mga ito ng ulat mula sa mga magsasaka na bumaba na umano ng P3 hanggang P6 ang presyo ng bawat kilo ng palay.

“Mula nang ipatupad ang price cap sa bigas, napaulat na ang pagbaba ng presyo ng palay na P3 hanggang P6 kada kilo. Magbibigay-daan lang ito sa higit pang pambabarat sa palay ng mga magsasaka,” ani Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas.

Nangangamba rin ang nasabing grupo na lalong bababa ang presyo ng palay dahil sa desisyon ng gobyerno na suspendihin ang 35% na taripa sa mga imported rice dahil itinaon ito sa panahon ng anihan.

Ngayong Oktubre ay inaasahang magsisimula na ang anihan ng palay kaya nangangamba umano ang mga magsasaka kung mababawi nila ang kanilang gastos sa pagtatanim dahil ngayon pa lamang ay bagsak na ang presyo nito dahil sa nasabing EO na palalalain pa ng zero tariff sa imported na bigas.

“Patitindihin nito (EO 39) ang smuggling dahil mas mabilis nang maipasok sa bansa ang mga imported na bigas. Sa huli, mga smugglers, importers at malalaking private traders ang makikinabang sa pag-alis ng taripa,” ayon pa sa grupo ni Estavillo.

Sinimulang ipatupad ang EO 39 ni Marcos noong Setyembre 5, kung saan itinakda sa presyong P41 ang kada kilo ng regular milled-rice habang P45 naman sa well-milled rice.

Taliwas naman ang pahayag ng Palasyo sa epekto ng EO 39.

Sinabi mismo ni Pangulong Marcos, Jr. na “going as well as we can expect” ang ipinataw niyang price ceiling sa bigas.

Sa katunayan anya, unti-unti nang nakapag-adjust ang mga retailers sa price cap, iyon ay kahit pa may ilan ang pansamantalang itinigil ang pagbebenta ng bigas para maiwasan ang pagkalugi.

“Syempre nag-aalangan din yung ibang retailer at hindi natin pwedeng sisihin dahil nga hindi sila nakakatiyak nga doon sa ating ibibigay na kapalit… Titingnan na lang natin kung papaano ang takbo,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

166

Related posts

Leave a Comment