NEWS BLACKOUT SA SALAMIDA MURDER

0

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HALOS isang buwan makalipas ang pamamaslang sa Advertising Manager ng Saksi Ngayon na si Gwen Salamida sa kanyang beauty salon sa Quezon City, usad-pagong kundi man tila isang news blackout ang pinaiiral ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng imbestigasyong isinasagawa nito.

Maging si Quezon City Police District (QCPD) Director Antonio Yarra na siyang may direktang sakop sa lugar kung saan naganap ang krimen, tikom ang bibig sa mga mga kaganapan kaugnay ng kaso. Ayaw rin niyang magpaunlak ng panayam sa kabila ng paulit-ulit na hiling ng mga mamamahayag sa kanyang distrito.

Nito lamang Setyembre 3, dalawa katao ang dinakip ng mga operatiba – sina Nilo Payag Anub at Richard Go Alaba, kapwa residente ng Barangay Commonwealth, Quezon City. Gayunpaman, inilabas lamang ng pulisya ang ulat hinggil sa pagkaka-aresto ng dalawang diumano’y salarin noong ika-8 ng Setyembre.

Paliwanag ng pulisya, medyo maselan ang kaso lalo pa’t di pa rin nahuhuli ang utak sa likod ng pamamaslang kay Salamida at sa pagkasugat ng kanyang kinakasamang nakilala bilang Oliver Perona. Anila, may tinutugis pa sila, bagay na pinagdudahan ng mga batikang peryodistang nakatrabaho ng biktima noong mga panahong editor pa siya ng isang tabloid.

Maging ang Criminal Investigation and Division Unit (CIDU) at ang hepe ng mismong istasyong sinasabing nakahagip sa mga suspek, tikom ang bibig.

Sa pagsasaliksik ng SAKSI NGAYON, nabatid na dakong alas-7 ng gabi noong Setyembre 3, 2021 bumibili lamang ng Red Horse sina Alaba at Anub sa Sto. Nino St., Barangay Commonwealth nang arestuhin sila ng mga tauhan ng QCPD-La Loma Police Station 1 sa pangunguna ni Lt. Col. Tyrone de Guzman Valenzona.

Ayon sa pulisya, nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang mga armas na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaslang at ang kotseng gamit nila nang sila ay maaresto. Giit pa nila, may CCTV footages na anila’y nakatulong sa kanilang imbestigasyon.

Subalit iba ang kwento ng mga kaanak ng mga inaresto.

Anila, nag-iinuman lamang ang mga arestado sa tabi ng bahay ni Alaba at nagpasyang bumili ng alak nang maubusan. Sa tindahan kung saan umano sila bumibili, dinakip sila ng mga pulis batay sa nakita sa CCTV kung saan umano nakita ang pagsundo ng Toyota Corolla (TSG-684) sa salarin sa harap ng Floor Center Munoz Branch.

Nagtugma naman umano ang nasabing kotse batay sa CCTV footage na nakunan sa isang bakeshop sa Don Fabian St., Barangay Commonwealth.

Sa pagpapatuloy umano ng follow-up operations ay namataan ng mga awtoridad ang sasakyang bumabaybay sa Sto. Nino St., Barangay Commonwealth kaya hinarang ito ng mga pulis. Ayon sa mga operatiba, nagtangka pang tumakas ang mga suspek, pero agad silang naharang ng mga pulis at inaresto.

Dito na umano nila nakuha ang isang kalibre 38 revolver, granada, dalawang pirasong bala ng M203 at ang sasakyang pakay sa operasyon.

Gayunpaman, katwiran ni Alaba ay nakisakay lang siya sa Toyota Corolla na pag-aari ni Anub para bumili alak kaya naman lubos siyang nagtataka kung bakit siya ang idiniin sa asunto at hindi ang may-ari ng oto kung saan natagpuan ang mga di umano’y armas.

Napag-alaman pang tanging si Alaba ang kinasuhan ng murder, samantalang mas magaang na kaso ang isinampa laban Anub na may-ari ng kotse kung saan umano tumambad ang mga armas at pampasabog.

Lumalabas ding nakapagpiyansa na si Anub.

Kaugnay nito, pinaratangan naman ng mga kaanak ng mga inaresto ang mga pulis ng pag-torture kina Alaba at Anub na pinaniniwalaang dahilan kung bakit idiniin ni Anub si Alaba.

Ayaw na rin makipagtulungan ni Perona (live-in partner ni Salamida) sa takot na siya ang isunod ng utak sa likod ng pamamaslang.

Dakong alas-3:35 ng hapon noong Agosto 17 nang sumalisi ang mga salarin sa delivery rider na magdedeliber sana ng pagkain kay Salamida sa pag-aaring salon sa No. 191 Kaingin Road, Brgy. A. Samson, QC.

Agad pinagbabaril si Salamida at ang kasama nitong si Perona saka tumakas ang mga salarin na magkaangkas sa motorsiklo.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment