(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG maisulong umano ang mga legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa natitirang tatlong taon ng kanyang administrasyon, kailangang walang mataas na political ambition ang susunod na House Speaker.
Ito ang iginiit ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco dahil ngayon pa lamang ay pinag-usapan na ang ipapalit kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa 18th Congress.
Matatapos ang termino ni Arroyo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Hunyo 30, 2019 kaya out na ito at hindi na kasali sa pagpipilian bilang Speaker sa 18th Congress na magsisimula sa Hulyo 2019.
“Leadership is important, but it’s equally important that the next speaker is free from political ambition to ensure that all priority legislation of the President is successful,” ani Velasco.
Hindi sinabi ni Velasco kung anu-anong political ambition ang karaniwang tinatarget ng isang House Speaker subalit ilang lider na ng Kamara ang ginagamit ang nasabing posisyon para sa kanilang senatorial o kaya presidential ambition.
Dahil umano sa political ambition ng isang House speaker, nagkakaroon ng hidwaan at hindi pagkakaunawaan kaya maraming magagandang panukalang batas ang naisasantabi.
144