Ngayong Energy Consciousness Month KURYENTE TIPIRIN

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa publiko na sanayin ang tamang paggamit ng kuryente sa panahon ng Kapaskuhan upang makatipid sa gastusin.

Hinimok din ni Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na patindihin pa ang information campaign upang maiparating sa publiko ang tamang pagtitipid at paggamit ng kuryente.

“Ang patakarang ito ay direktibang nakapaloob sa RA 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act pati na rin sa Proclamation No. 1427,” aniya.

Ang Proclamation No. 1427 ay nagdedeklara sa buwan ng December bilang Energy Consciousness Month.

Sa ilalim ng mga probisyon ng RA 11285, itinalaga sa DOE ang pagbabalangkas at pagsasagawa ng mga advocacy campaign at pagpapalaganap ng mga impormasyon na may kinalaman sa tamang paggamit at pagtitipid ng kuryente katuwang ang sektor ng negosyo, academe, non-government organizations at iba pa.

Hinikayat din ni Gatchalian ang publiko at mga establisyimento na ugaliing gumamit ng light-emitting diode (LED) light bulbs na mas mahusay at lumalabas na magiging mura kalaunan kaysa sa tradisyunal na incandescent string lights na ginagamit sa mga Christmas decorations.

Dahil hindi maiiwasan ang madalas na paggamit ng mga electronic devices sa panahon ng kapaskuhan, hinihikayat din ng senador na palaging i-unplug ang mga gadgets na hindi ginagamit pati na rin ang mga appliances upang bumaba ang konsumo ng kuryente at maiwasan ang pagtaas ng electric bill.

Simula noong ipatupad ang RA 11285 noong Enero 2020, sinabi ng Senate Energy Committee Chairperson na may 39 na probisyon pa ang batas na hindi pa nailalatag ng DOE.

“Kalahati ng mga probisyon ng batas ay hindi pa naipapatupad. Importante ang batas na ito dahil isinusulong nito na maging mandato ang maayos at mahusay na pagkonsumo ng kuryente ng mga commercial at industrial na mga korporasyon at binigyan ng karagdagang kapangyarihan ang DOE para ipatupad ito. Kaya nananawagan kami sa DOE na ipatupad na ng ganap itong batas na ito dahil makakatipid tayo at ang katipirang ito ay katumbas na rin ang pagkakaroon ng panibagong suplay ng kuryente,” paliwanag ni Gatchalian.

“Sa mga inisyal na datos na nakita namin, makakatipid ang mga negosyo ng aabot sa 23% kung magiging ganap na itong batas. Ganun din ang katipirang maaabot ng gobyerno sakaling naipapatupad na ito nang husto,” dagdag pa nya. (ESTONG REYES)

2

Related posts

Leave a Comment