MAKARAANG maglabasan ang isang viral video ng pagmamaneobra sa isinasagawang online survey, kinastigo ng iba’t ibang grupo ng mga vlogger at netizens ang Rappler dahil umano sa garapalang manipulasyon sa hangaring ikondisyon ang isipan ng publiko pabor sa kanilang isinusulong na kandidato para pangulo.
Partikular na tinukoy ng mga vlogger at netizens ang pinakahuling online survey ng Rappler kung saan nagtalaga ang digital news organization ng kanya-kanyang emoticons na kakatawan sa bawat kandidato para sa 2022 presidential derby – wow emoticon para kay dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, puso naman para kay Vice President Leni Robredo, laugh emoticon para kay Senador Ping Lacson, like emoticon kay Manila Mayor Isko Moreno at care emoticon kay Senador Manny Pacquiao.
Sa viral video na ini-upload ng isang netizen sa Tiktok social media platform, kitang-kita ang pagbaha ng wow emoticon sa aktuwal na kuha ng pagrerebisa ng mga pumasok na datos.
Gayunpaman, laking gulat ni Vlogger Kasangga Jay nang makitang lumamang si Robredo sa bilangan gayung kaunti lamang anila ang nag click ng pusong emoticon. Sa nasabing viral video, nagtala si Robredo ng 161,000 – o halos doble ng wow emoticons ni Marcos.
Sa puntong ito, minano-mano ng nasabing grupo ng netizens ang pagbibilang para matiyak ang kanilang suspetsa ng manipulasyon. Ang resulta – milya-milya ang lamang ng wow emoticons na kumakatawan kay Marcos.
Kinastigo ni Vlogger Kasangga Jay ang aniya’y panloloko ng Rappler sa publiko, sabay giit na halatang may pinapanigan ang nasabing news organization.
“Nakakalungkot isipin na niloloko na naman tayo nitong biased press, biased media na ito sapagkat sa kanilang survey ay tila kwestiyonable o tila kataka-taka ang nilalaman nito, mga kasangga….Tila may mali kasi binabalandra na si Leni ang nangunguna, with heart reactions pero nung inusisa nung Tiktok uploader ay ang nangunguna ang mga Wow reactions na para kay Bongbong Marcos. If the truth will prevail, this nation will rise again,” galit na pahayag ng nasabing lider ng grupo ng mga netizens.
Hinala naman ng isa pang social media influencer — Maui Becker na higit na kilala bilang Princess Maui, mayroong salamangka ang administrador ng nasabing Rappler political survey, gamit ang mga gawa-gawang social media accounts sa nasabing pa-survey.
“Epic fail ng Rappler, napahiya sila. Purveyor ng fake news or biased magbalita. Lahat na lang ba ng balita nyo fake, Rappler? Hindi kinaya ng inyong technical maneuver, pagmamani-obra ng survey. Hindi nila kinaya ang dami o buhos ng followers ni BBM. Hindi nila kakayanin dahil hindi lang naman ang mga ito ‘yung mga netizens na namumulat na at naa-appreciate nila si BBM,” ani Princess Maui.
“Hindi kinaya ng sistema Ninyo, hindi kinaya ng program niyo Facebook and Rappler kung tinambakan man nila agad si Leni ng 100k o 150k para mahirapan si BBM… Baka may access sila sa mga FB accounts na dormant na at ginamit sa survey… most of the Leni supporters were accounts of Pakistanis, Arab, poser, fake accounts,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, lubos na nababahala si Princess Maui para sa nalalapit na halalan.
“Pwedeng this is a practice of the balak nilang pandaraya next year sa elections, precursor of some kind, test pilot ng kanilang pandaraya,” pahabol pa nito.
457