(NI JG TUMBADO)
TULUYAN nang sinibak sa serbisyo bilang pulis ang isa sa tinaguriang Ninja cops na sinasabing team leader ng maanomalyang drug raid sa Antipolo City sa Rizal noong Mayo 2019.
Sa regular na press conference kanina sa Camp Crame, inihayag mismo ni PNP-Officer-in-charge Lt. General Archie Gamboa ang pagsibak sa pagka pulis si Lt. Joven De Guzman matapos makitaan ng grave misconduct ng Internal Affairs Service (IAS).
Si De Guzman ay isa sa 13 Ninja cops na nag operate sa Mexico, Pampanga noong 2012 kung saan nakumspika ang nasa mahigit 200 kilo ng high grade shabu subalit mahigit 30 kilo lamang ang ipinalabas na kanilang nasamsam.
Matatandaan na una nang sinibak ni Gamboa ang 3 Ninja cops na sina Police Master Sergeant Donald Roque; Police Master Sargeant Rommel Vital at Police Corporal Romeo Guerrero, Jr.
Habang pina-review muna ang kaso ni De Guzman dahil 58 days suspension lang ang naipataw sa kanya.
Napag-alaman na nag-ugat ang kasong administratibo laban sa nasabing mga pulis sa reklamo ng biktima na si Arnold Gramaje Jr.
Pinasok umano ng pitong pulis sa pamumuno ni De Guzman ang bahay ni Gramaje nang walang search warrant at pinalabas ng mga ito na buy-bust operation ang nangyari.
Kinuha umano nina De Guzman ang halagang P30,000 cash at ilang gadget sa loob ng bahay gayundin ang pagtatanim ng shabu sa biktima.
Samantala, kasabay na inianunsyo ni Gamboa ang pagtanggal na rin sa serbisyo sa tatlong pulis na nakatalaga sa Marantao Municipal Police station na natimbog sa buy bust operation sa Maguindanao noong nakaraang Linggo.
Humarap sa Summary Dismissal Proceedings sina Patrolman Sandiali Mangundacan Manalao, Staff Sgt. Fahmi Bangon Como, at Master Sgt. Monjel Nassal Aradais bago tuluyang inalis sa serbisyo.
Sa pangyayari ay tinanggal sa puwesto si Police Captain Sainodin Benasing, Chief of Police ng Marantao dahil sa isyu ng command responsibility.
Nakumpiska mula sa posesyon ng tatlong pulis ang nasa 50 gramo ng shabu sa ikinasang drug bust operation ng mismong kanilang kasamahan.
Walang puwang umano sa kanilang hanay ang mga kahalintulad nina De Guzman at sa tatlong pulis ani Gamboa.
Muling binigyang diin ni Gamboa na bahagi ng mahigpit na Internal Cleansing program ng PNP ang pagsibak sa mga tiwaling pulis partikular ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga.
235