(NI CHRISTIAN DALE)
KAILANGAN munang imbestigahan ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III ang balita na may ilang restaurant at iba pang business na laan lamang sa mga Chinese national na nasa bansa at bawal kumain ang mga Pinoy.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, dapat munang imbestigahan ang bagay na ito para malaman kung totoo at hindi aniya ito dapat na mangyari.
Wala aniyang dahilan para i-discriminate ang mga Filipino sa pagkain sa mga Chinese restaurants.
“Public business should be and therefore cater to all,” ani Sec. Panelo.
Nauna rito, nanawagan si Senador Panfilo Lacson sa gobyerno na ipasara ang ilang restaurant at iba pang business na laan lamang sa mga Chinese national na nasa bansa.
Aniya, dapat na kumilos ang Department of Trade and Industry at iba pang ahensya ng gobyerno para mapigilan ang mga negosyante mula sa China sa pagpasok sa small and medium enterprise.
Ang dapat na maging prioridad sa mga SME ay ang mga negosyanteng Pilipino.
Mawawalan aniya ng pagkakataon ang mga negosyanteng Pilipino na mayroong maliliit na puhunan na makapag-invest sa negosyo kung tatapatan pa ng mga Tsinong mayroong milyong pisong puhunan.
Una nang lumutang sa social media ang tinawag na China Food City sa Alabang, Muntinlupa City kung saan tanging mga Chinese lamang ang maaring pumasok at mahigpit na ipinagbabawal ang mga Plipino.
Bukod dito, mayroon ding mga convenience store na pag aari ng Chinese nationals sa Makati at Pasay na hindi rin nagbebenta sa mga Pilipino.
“We have to investigate first to know the truth of the report. We will ask Sec. Bello to conduct an investigation,” ani Panelo.
Sa kabilang dako, bahala na aniya si Secretary Ramon M. Lopez na sagutin kung bakit kailangan na kasama pa sa SMEs ang mga negosyanteng Tsinoy dahilan para magkaroon lamang ng kompetisyon sa mga lokal na negosyante sa bansa.
Samantala, para naman sa makararanas ng pagtaboy ng mga Chinese restaurants na kumain sa kanila ay pinayuhan ni Sec. Panelo ang mga ito na maghain ng reklamo.
Hindi aniya maganda na komprontahin ang may-ari ng restaurant dahil pag-uudyok aniya ito ng away.
Dapat aniyang mapatunayan na lumabag nga sa batas ang mga Chinese restaurants bago pa maipasara ito.
115