MAY “matinding” sakit si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager at ret. Police Col. Royina Garma kaya posibleng ma-ICU o Intensive Care Unit ito.
Ginawa ni House committee on human rights chairman Bienvenido Abante Jr., ang pahayag matapos kuwestiyunin ng Senado ang Kamara dahil hindi umano pinayagan ng mga ito si Garma na dumalo sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa war on drugs na dinaluhan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.
“Nakatanggap kami ng urgent motion from the lawyer na talagang matindi ang sakit ni Col. Garma, at kami naman hindi naman namin pwedeng, sabi ng urgent motion na this is another human rights concern, yung right to life, naniniwala ako dun e,” ani Abante.
“So, hinayaan namin siyang makita ng mga doktor sa Cardinal Santos for medical check-up, balita namin baka ma ICU pa siya e, she cannot actually speak properly, mentally speaking kung haharap siya sa Senado,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni House committee on public order and security chairman Dan Fernandez na hindi nila ipinagkakait si Garma sa Senado subalit nagkataon aniya na may problema ito sa lalamunan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi na pinadalo ng Quad Comm si Garma sa pagdinig ng mga ito noong Oktubre 22.
Gayunpaman, tiniyak ng dalawang mambabatas na dadalo si Garma sa pagdinig ng Senado sa war on drugs. Nasa kustodiya ng Quadcom si Garma kahit natapos na ang contempt order nito noong Oktubre 28 dahil mas pinili umano nito na manatili sa detention center ng Kamara para sa kanyang kaligtasan.
Kinumpirma rin ni Fernandez na nagkaroon ng COVID si dating Police Col. Edilberto Leonardo subalit pagaling na umano ito kaya maaari na siyang makadalo sa susunod na pagdinig ng Senado. (BERNARD TAGUINOD)
36