TINAWAG ng isang mambabatas sa Kamara na isang uri ng “band-aid solution” ang pag-alis ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa window hour sa number coding scheme ngayong holiday season.
Ayon kay Manila Rep. Rolando Valeriano, bagama’t makatutulong ang bagong no window hours para mabawasan ang mga sasakyan sa mga lansangan ay posibleng maging dahilan ito para bumili ng bagong behikulo ang mga may kakayahan sa buhay.
“The no-window scheme may be another band-aid solution or that it may result to a very minimal traffic change,” ani Valeriano.
Kailangang aniyang ibase ng MMDA sa isang scientific study kung papaano resolbahin ang problema sa lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan, ang number coding ay ipinatutupad mula alas-7 hanggang alas-Diyes (10) ng umaga at alas-singko hanggang alas-otso ng gabi.
Nangangahulugan ang mga sasakyan ay maaaring bumiyahe pagdating ng alas-onse ng umaga hanggang alas-kuwatro ng hapon subalit sa bagong scheme na inaprubahan umano ng Metro Manila Council (MMC) ay hindi papayagang bumiyahe buong araw ang mga sasakyang pasok sa number coding.
Sinabi ng mambabatas na hindi ubra ang ganitong sistema lalo na’t walang maayos na public transport system sa bansa partikular sa Metro Manila kaya nahihirapan ang mga tao.
“For this reason, our citizens spare hard earned income to a personal car instead. If only public commuting here in Metro Manila likens to Japan’s or Singapore’s, our public would surely choose to commute to save them from driving and gas expense,” ayon pa sa mambabatas.
(BERNARD TAGUINOD)
163