(CHRISTIAN DALE)
NARANASAN ang matinding pag-ulan sa Luzon area simula nitong Linggo dulot ng pananalasa ng Bagyong Julian.
Katunayan, itinaas ang Red Warning sa mga probinsya ng Batanes, Ilocos Norte, Apayao, Abra, at probinsya ng Cagayan habang Orange Rainfall Warning sa probinsya ng Ilocos Sur, at ilang bahagi pa ng Cagayan Valley Region.
Tiniyak naman ng pamahalaan na nakahanda ang pagkain at iba pang mahalagang suplay para sa mga indibidwal na maaapektuhan ng bagyo.
Sa isang situational report noong Linggo, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may kabuuang 1.9 milyon family food packs na nagkakahalaga ng P1.48 billion, iba pang food items na nagkakahalaga ng P276 million, at non-food items (NFIs) na nagkakahalaga ng P919 million ang inihanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Available rin ang P171 million na standby fund na gagamitin ng DSWD, kabilang na ang P123 million na maaaring ilaan bilang Quick Response Fund (QRF) sa central office ng DSWD.
Sa Batanes, ipinag-utos ng provincial disaster risk reduction and management office (PDRRMO) sa mga residente na italing mabuti ang kanilang mga bubong at maglagay ng panara sa kanilang mga bintana dahil inaasahan na doon magla-landfall ang bagyong Julian.
“Patuloy po ang pagbibigay natin ng information sa mga kababayan na magtali ng bubong, maglagay ng tapangko o window shutters at maghanda-handa dahil inaasahan talagang baka maglalandfall sa amin,” ani Batanes PDRRMO head Roldan Esdicul sa isang panayam.
Sapat naman aniya ang food supply at gasolina ng lalawigan para sa ‘would-be evacuees.’
“Nakahanda na ang evacuation centers pero wala pa rin preemptive evacuation kasi medyo tolerable pa naman. ‘Yun nga lang medyo may ilang turista na stranded,” dagdag ni Esdicul.
Sa Cagayan, pinaalalahanan naman ang mga residente na mag-ingat laban sa mga pangunahing panganib gaya ng ‘rain-induced landslides.’
Nag-deploy naman ang Cagayan PDRRMO ng mga tauhan nito sa quick response stations upang mabilis na makatugon sa mga emergency, ayon kay Cagayan PDRRMO head Ruelie Rapsing.
Hindi naman nagpatupad ang provincial government ng Cagayan ng preemptive evacuation sa kabila ng nararanasang ‘moderate to heavy rainfall’ sa northeastern part ng Cagayan, sakop nito ang mga bayan ng Santa Ana, Gonzaga, Buguey, Gattaran, at Santa Teresita.
Walang Pinoy Victims
Sa Hurricane Helene
Samantala, iniulat ng Philippine Embassy sa Washington na wala pa itong natatanggap na ulat na may mga Pilipino na naapektuhan ng Hurricane Helene sa US southeast.
Sa kasalukuyan, patuloy na nakamonitor ang Embahada sa sitwasyon kasama ang Philippine Honorary Consulates sa Florida at Georgia.
Nananatili naman itong handa na magbigay ng anomang kakailanganing tulong sa mga apektadong Pilipino.
Tinatayang halos 300,000 Pilipino ang nakatira sa lugar na apektado sa Hurricane Helene.
Sa ulat, dahil sa matinding hambalos ng Hurricane Helene ay naapektuhan ang Big Bend region sa Florida at maging ang ilang bahagi ng Georgia, Tennessee, at Carolinas.
30