NOYPI NANGANGAMOTE SA CIVIL SERVICE EXAM

MISTULANG hirap na hirap ang mayorya sa mga kumukuha ng civil service exam na ibinigay ng Civil Service Commission (CSC) sa Filipino professionals na gustong magtrabaho sa gobyerno.

Ganito ang lumalabas matapos umaabot lamang sa 14.43% ang pumasa sa Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT)  na isinagawa noong Agosto 11, 2024 sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nabatid sa CSC na mula sa 296,758 total candidates na kumuha ng CSE Professional Level, 47,449 lamang ang nakapasa o katumbas lamang ng 14.43 percent.

Maging sa CSE Sub Professional Level, 14.18 percent lamang ang nakapasa o 4,637 mula sa 32,707 examinees.

Base sa resulta ng eksaminasyon sa bawat region, National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming pumasa na umaabot sa 8,242 mula sa 43,478 examinees na sinundan ng Region III at Region IV.

“This translates to 4,153 passers out of 22,178 takes for Region III and 6,846 out of 38,978 examinees for Region IV,” ayon sa report ng CSC.

Lahat ng mga nakapasa ng CSE Professional Level ay pagkakalooban ng Career Service Professional Eligibility, na pangunahing requirements para makapagtrabaho at maging regular employees at magkaroon ng mataas na katungkulan sa anomang sangay ng gobyerno.

Magagamit din ng mga pumasa sa  CSE sub professional level ang kanilang eligibility para sa first level positions sa gobyerno tulad ng clerical, trades, crafts, at  custodial service positions kung saan ang ganitong trabaho ay hindi kailangan ng four years of college studies.

“Apart from passing the CSE-PPT and obtaining the Professional or sub professional eligibility, those interested to join the government service must also meet the education, experience, training, as well as other competency requirements of the position,” paglilinaw ng CSC. (BERNARD TAGUINOD)

15

Related posts

Leave a Comment