Office of the President kaladkad P1M-P10M PARA SA JUDICIARY POSITION?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

LANTARAN umano ang bilihan ng pwesto para maitalaga bilang judge o justice ng Sandiganbayan at Court of Appeals.

Ito ang usap-usapang umiikot sa judiciary.

Itinuturo ang isang magkamag-anak na konektado umano sa Office of the President, partikular na sa Office of the Executive Secretary (OES) na gumagalaw para pagkaperahan ang appointment sa judiciary position.

Mistulang nagkakaroon umano ng ‘bidding’ dahil sa dami ng gustong ma-promote bilang judge hanggang justices.

Maging ang mga prosecutor na gustong magpa-appoint bilang judge ay napipilitan ding magbigay ng lagay para lamang makuha ang inaasam na puwesto.

Sa mga gustong magpa-appoint bilang municipal trial court (MTC) judge, ang hinihingi umanong lagay ay mula P500,000 hanggang P1 million. Para naman magkaroon ng appointment bilang regional trial court (RTC) judge, ang singil sa kanila ay P1M pataas.

Mas matindi umano sa mga gustong maging justice sa Court of Appeals (CA) at Sandiganbayan na umaabot ang lagayan mula P5 million hanggang P10 million.

Bilang patunay, isang kamag-anak ng mataas na opisyal mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibleng ma-appoint dahil na rin sa impluwensiya sa Malakanyang at naglagay ng milyon pisong halaga.

Sinasabing sa kasaysayan, ngayon lamang umano nagkaroon ng ‘short list’ na umabot sa 58 pangalan ng aplikante para magpa-appoint bilang CA justice.

Ayon sa importante, apat na puwesto umano ang mababakante sa CA. Dahil sa pangyayaring ito, maraming abogado, piskal at mga judge mismo ang nadidismaya dahil ‘first time’ lamang umano nangyari na ganito kagarapal ang bentahan ng puwesto sa judiciary department.

Maraming abogado at mga judge ang hindi na nabibigyan ng pag-asang ma-promote kahit ‘deserving’ sila sa inaasam na promotion.

Isang alyas Adri Ang ang itinuturong bagman ng mataas na opisyal sa OP, bagay na dapat paaksiyunan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

38

Related posts

Leave a Comment