OFW VISA VIOLATORS SA KUWAIT, UMAAPELA NG TULONG

UMAAPELA ng tulong mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang halos 100 Overseas Filipino Workers (OFW)  na hindi nakalusot sa Amnesty Program ng Ministry of Interior ng bansang Kuwait.

Magugunita na nagkaloob ng Amnesty ang Kuwait para sa lahat ng mga visa violator simula Abril  1 hanggang Abril 30 ngayong taon.

Umaabot kasi sa halagang katumbas ng 33,000 piso hanggang 660,000 piso ang pagkakautang ng mga ito sa banko, telecommunication o indibidwal.

Karamihan sa kanila ay umutang para makabili ng mobile phone habang ang ilan ay nadamay lamang dahil sa pagiging “guarantor” sa pagkakautang ng ibang tao.

Kabilang sa mga nanawagan ng tulong kay Pangulong Duterte si Rowena M. Dewan na mahigit 3 taon nang walang  trabaho at walang residence visa. Iniinda na niya ang kanyang karamdaman na Diabetis.

Dahil sa kawalan ng mapagkukunan ng pambili ng kanyang gamot ay lumulubha na ang kanyang karamdaman kung kaya nagdesisyon na lamang na umuwi ngunit hindi pinalad na mabigyan ng amnestiya dahil sa pagkakautang.

Sa panayam ng Saksi Ngayon kay Cecilio Bonnilla lll, pinuno ng Undocumented Group of OFW in Kuwait, sinabi nito na bagamat sila ay kasalukuyan nang tinutulungan ng kinatawan ng Philippine Embassy at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Kuwait, sila ay nakikiusap kay Pangulong Duterte na mabigyan ng tulong dahil nauunawaan naman nila na ang kanilang sitwasyon ay kakaiba sa pangkaraniwang kaso ng mga OFW.

Nangako naman si Charge ‘d affair Charleson Hemosura na kanilang tututukan at tutulungan ang mga nasabing  OFW at ipakikiusap sa gobyerno ng Kuwait na mabigyan ang mga ito ng kaunting kaluwagan sa pagbabayad ng utang.

Aabot  kasi sa mahigit 6 milyong piso ang kinakailangan na ipaluwal ng gobyerno para sa kanila upang tuluyang mabura ang kanilang kaso sa Ministry of Justice ng Kuwait. Karamihan sa kanila ay hindi na aktibong miyembro ng OWWA. C. L. UMANDAP

159

Related posts

Leave a Comment