OFWs ayudahan ngayong may COVID-19 P20-B OWWA TRUST FUND, ‘WAG GAMITIN SA NEGOSYO

MALING ilagay o ipuhunan ang P20 bilyong trust fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil ang pondong ito ay pera ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakareserba para sa kanilang pangangailangan tulad ngayong napakarami sa kanila ang nawalan ng trabaho nang manalasa ang pandemyang coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa maraming lugar ng mundo.

Ito ang puntong iginiit ni Senador Franklin Drilon ng Liberal Party (LP), na nagsabing “Hindi pwedeng gamiting rason na maapektuhan ‘yung kanilang investment. Sa pera ng OFWs nanggaling iyang P20 bilyong trust fund [ng OWWA]”.

Ipinaalala ni Drilon sa OWWA na pinamumunuan ni Hans Leo Cacdac, na ang layunin ng “trust fund is not for investment, but to help the OFWs in times like this [where a big number of OFWs in many parts of the world have stopped working due to the COVID – 19]”.

Ang OWWA ay isa sa mga ahensiya ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Si Cacdac ay hepe ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III.

Nang ipuwesto siya sa OWWA noong Oktubre, 2016, inilagay ni Cacdac sa kanyang Facebook page ang kanyang mensahe sa OFWs na “Nais ko pong mas lalong maging malapit ang OWWA sa mga mahal nating OFWs”.

Pinatutsadahan ni Drilon ang mga opisyal ng OWWA nang ganito: “Panahon na para ang OWWA ay tumulong nang todo sa mga OFW”.

“Ako ay nakikiusap na gawin ninyo ang lahat para naman mabawasan ang problema ng ating mga kababayan sa ibayong dagat,” patuloy ng mambabatas.

Sinabi pa ni Drilon, maghahain siya ng resolusyon upang imbestigahan sa Senado ang kalagayan ng mga OFW ngayong mayroong COVID-19 at upang malaman din kung anu-ano ang suportang ginawa ng OWWA sa mga OFW.

Ang naitulong ng pamahalaan sa OFWs ay ang $200 o P10,000 ayudang pinansiyal mula sa programang AKAP ng DOLE.

Sa kabuuan, 250,000 OFWs lang ang mabibigyan ng tig-P10,000 dahil ito lamang ang pasok sa badyet ng DOLE, banggit ni Secretary Sylvestre Bello III, ilang araw na ang nakalilipas.

Ayon kay Bello, halos 400,000 ang mga OFW na nag-aplay ng programang AKAP, sa pamamagitan ng online ng DOLE.

Walang papel ang OWWA at POEA sa AKAP.

Wika ni Drilon: “OWWA can tap into its trust fund to provide financial and livelihood assistance to our OFWs affected by the COVID-19 pandemic. Aside from this, they receive an annual subsidy from the national government.”

“Panahon na para lahat gawin nila para sa OFWs. Napilitan silang umuwi dahil walang trabaho sa kung saan sila nanggaling,” patuloy ng senador.

Batay sa rekord ng National Economic and Development Authority (NEDA), 9.3% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ay galing sa mga ipinadadala ng OFWs sa kani-kanilang mga pamilya.

Nasa 7.8% naman ang kanilang inambag sa gross national income nitong 2019. (NELSON S. BADILLA)

100

Related posts

Leave a Comment