OFWS NA APEKTADO NG NAIA SYSTEM GLITCH PINABIBIGYAN NG SPECIAL RATE SA AIRFARE

UMAPELA si Senador Raffy Tulfo sa airline companies na bigyan ng special rate sa airfare ang mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport nitong Enero 1.

Sinabi ni Tulfo na dumoble ang presyo ng pamasahe papasok at palabas ng bansa dahil sa pagkasira ng Communications, Navigation and Surveillance System for Air Traffic Management o (CNS/ATM) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ito rin ang dahilan kung bakit maraming OFWs ang naantala ang matagal na sanang planadong bakasyon sa bansa upang makapiling ang kani-kanilang pamilya para ipagdiwang ang nagdaang Pasko at Bagong Taon.

Katunayan, sinabi ni Tulfo na ilang OFWs na naperwisyo sa pagkasira ng CNS/ATM na ang lumapit sa kanilang tanggapan upang idulog ang problema sa tumaas nilang pamasahe.

Sa impormasyon ng senador, pumapalo na sa P90,000 hanggang P140,000 pesos ang one-way flight ng Manila-Japan na hindi na kakayanin ng mga OFWs na limitado lang ang budget.
Partikular na hinimok ni Tulfo ang Philippine Airlines at Cebu Pacific na ikonsidera ang pagbibigay ng preferential pricing system na pumapabor sa mga OFWs na itinuturing na mga bayani sa bansa.

“It would be unfair for our OFWs to absorb the fault or negligence of CAAP for the maintenance of their CNS/ATM system. Marami sa kanila isang beses lang o mas malimit pa makauwi sa isang taon. Yung pera na sana pangpasalubong o di kaya pang suporta sa kanilang pamilya ay sapilitang napunta na lang sa pamasahe,” saad ni Tulfo.

Ayon sa isang Airline company, ang biglaang pagtaas ng pamasahe ay dulot ng demand-based algorithm na pinagbabasehan ng mga airlines sa pagpapataw ng airfare increase.

Nakikipag-ugnayan na ang Senador sa Department of Migrant Workers para sa posibleng pag-subsidize sa discounted airfares ng mga OFWs na apektado ng problemang ito.

“I stand with my colleagues, especially Sen. Grace Poe and the Senate President Zubiri in initiating an investigation as to the breakdown of essential navigational and air traffic control systems,” diin pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

23

Related posts

Leave a Comment