(NI JEDI PIA REYES)
KINUWESTYON ng Commission on Audit (COA) ang pagbabayad ng Office of the Ombudsman ng P4.565 milyong halaga ng langis at lubricants nang hindi dumaan ng public bidding na taliwas sa itinatakda ng batas.
Sa 2018 audit report ng COA, ipinunto nito na sa pinasok na transaksyon ng Ombudsman ay naipagkait sa gobyerno ang pagkakataon na makakuha ng mga produktong petrolyo sa mas murang presyo.
Tinukoy ng audit agency ang direktang pagbili ng Ombudsman sa pamamagitan ng credit line at walang valid na kasunduan o kontrata sa iba’t ibang supplier at service stations noong 2002 at 2007.
“The current practice of the agency in procuring fuel/gasoline from the selected service stations without the benefit of public bidding is not in accordance with the provisions of RA No. 9184 (Government Procurement Reform Act),” ayon sa audit report ng COA.
“As a result, the Ombudsman was not able to obtain the most advantageous prices in the market,” dagdag nito.
Natanggap na ni Ombudsman Samuel Martires ang kopya ng audit report ng COA.
Inoobliga na ng Office of the Ombudsman ang Bids and Awards Committees na mahigpit na sumunod sa Procurement Law, partikular na ang pagdaraos ng public bidding para sa pangangailangan nito ng suplay ng langis.
Balak na rin nitong bumili ng langis sa pamamagitan ng fleet cards na may kaukulang halaga ng allowance upang maiwasang magkaroon ng paglalabis sa paggastos.
149