(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
BIGLANG tumigil ang operasyon ng Bingo ng Bayan cum jueteng sa lalawigan ng Oriental Mindoro magmula noong Sabado na hinihinalang dahil sa takot ng mga opisyal ng pulisya na masampolan sa one strike policy ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa impormasyon ng SAKSI Ngayon, nagulat ang mga mananaya nang walang pumasyal na kabo para magpataya ng jueteng.
Nauna nang iniulat ng pahayagang ito na gumaganda ang kubransa ng jueteng sa bagong pangalan na Bingo ng Bayan sa bayan ng Victoria, Puerto Galera, San Teodoro, Socorro, Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabong, Mansalay, Gloria, Roxas, Bulalacao at Calapan City na umaabot umano sa halos P2.8 milyon.
Ngunit dahil sa pangangalampag ng mga tutol sa nasabing sugal, lalo pa’t diniinan ng bagong hepe ng Pambansang Pulisya na si Police General Benjamin Acorda, Jr. ang paglilinis laban sa mga tauhan nito na nasasangkot sa iba’t ibang kontrobersiya ay posibleng tinimbrehan ang mga promotor ng naturang sugal para pansamantalang tumigil ng operasyon.
Matatandaang sa kanyang speech sa isinagawang Change of Command Ceremony kamakailan, tinuran ni Acorda na ipagpapatuloy niya ang paglilinis sa kanilang hanay.
Aniya, walang pulis na dapat masangkot sa paggamit, pagtutulak ng ilegal na droga at pagprotekta sa ilegal na sugal dahil hindi umano siya magdadalawang-isip na kasuhan at ipatanggal ang mga ito sa serbisyo.
“You will be charged and removed from the service. This is my warning to each and everyone of you. Our fight will be holistic in prevention and aggressive in operations,” dagdag pa ni Acorda.
Si Acorda ang pangalawang hepe ng PNP sa Marcos administration at ika-29 na pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Dahil dito, nangingilag ang mga opisyal ng PNP sa mga lalawigan gaya sa Oriental Mindoro upang hindi tamaan sa internal cleansing at one strike policy.
Naniniwala naman ang mga kontra sa jueteng na magpapalamig lang ang mga operator at magbabalik din kapag naramdamang nagluwag ang pamunuan ng PNP.
Kaya naman tiniyak nila na patuloy silang magbabantay at mangangalampag sa sandaling muling mag-operate ang Bingo ng Bayan na front ng jueteng sa lalawigan.
224