ONLINE PAYMENT FEE, IRE-REFUND NG MERALCO

MAGRE-REFUND ang power utility firm na Manila Electric Company (Meralco) sa ibinayad na online payment fee ng customers nito.

Nag-sorry rin ang Meralco dahil dapat ay sila ang sumalo ng nasabing fee dahil na rin sa COVID-19 lockdown.

Ang Meralco ang pinakamalaking power distributor sa Pilipinas.

Ang “convenience fee,” ang binabayaran sa online payment platform PayMaya.

Ang Meralco at PayMaya parent PLDT Inc. ay kapwa pag-aari ng Metro Pacific Investments Corp.

“I sincerely apologize for this lapse. Meralco will shoulder the convenience fee charged during the aforesaid ECQ (enhanced community quarantine) period and refund the customers the fees they paid during this period,” sinabi ni Meralco President and CEO Ray Espinosa.

“I wish to assure you that we shall be more sensitive in the future and shall be ever mindful of the best interest and well-being of our customers,” dagdag nito.

Ang convenience fee ay ibinabayad ng mga customer sa Meralco app.

Naunang sinabi ng tagapagsalita ng Meralco na hindi muna sila magpuputol ng serbisyo ng kuryente, sa likod na rin ng kaliwa’t kanang reklamo laban sa kanilang singgil na doble o higit umano ang naging patong.

Sa panayam sa radyo DZBB, sinabi ni Meralco spokesman Joe Zaldariagga na nakikinig sila sa mga consumer.

“We hear the feedback loud and clear. Kami naman, we are very cognizant of the issues that are currently being hurled against us at nakikinig kami,” sinabi nito.

Sinabi rin ni Zaldarriaga na hindi nila dinagdagan ang singgil sa kuryente.

Pero sa kabila nito, nanawagan si good governance advocate at dating hepe ng Presidential Anti-Graft Commission na si Atty. Nicasio Conti sa Meralco, na unahin at intindihin ang kapakanan ng taumbayan, sabay hirit na ‘minimum’ na lang muna ang ibayad sa bill sa kuryente, lalo na’t kababalik lang ng karamihan sa trabaho.

Sinabi pa ni Conti na hindi rin lahat ay 100 porsyento na balik-trabaho, o hindi kaya ay hindi naman kumpleto ang araw ng pasok, kaya’t bawas din ang sweldo.

“Dagdag sakit ng ulo ni Juan Dela Cruz na bukod sa iisipin ang pambili ng pagkain, upa sa bahay, ay sasabayan pa ng mataas na singgil ng kuryente,” pahayag ni Conti.

Ayon kay Conti, sa panahon na wala pang katiyakan bunsod ng coronavirus o COVID-19, hindi maganda na may ganitong dagdag problema na dadalhin ang ordinaryong obrero.

Sa ilalim ng panukala ni Conti, ‘minimum’ muna ang babayaran sa Marso, Abril at Mayo na mga bill ng kuryente. KIKO CUETO

78

Related posts

Leave a Comment