MAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Senado kaugnay sa inilunsad na operasyon ng Philippine National Police sa compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City upang ihain ang warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Itinakda ang pagdinig sa Biyernes na sisimulan sa pagsasagawa ng ocular inspection sa KOJC Compound ng alas-10 ng umaga bago sundan ng hearing ng alas-2 ng hapon sa Sangguniang Panlungsod ng Davao.
Ang pagdinig ay pangungunahan ni Senador Ronald Bato dela Rosa na ibinatay sa kanyang privilege speech kaugnay sa operasyon ng PNP.
Samantala, nanawagan si Senador Risa Hontiveros kay Quiboloy na tigilan na ang kadramahan at lumabas na sa kanyang pinagtataguan.
Iginiit din ni Hontiveros na walang karapatan ang kampo ni Quiboloy na maglatag ng kondisyon para sa kanyang pagsuko.
Ito ay kasunod ng pahayag ng abogado ni Quiboloy na susuko siya kung mag-isyu ng written declaration si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na hindi siya ibibigay sa Estados Unidos.
Iginiit ni Hontiveros na ang mas dapat gawin ni Quiboloy ay harapin at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.(DANG SAMSON-GARCIA)
39