OPERASYON NG SALON, BARBER SHOPS LIMITADO PA RIN

LIMITADO pa rin ang magiging operasyon ng mga barbero at mga salon sa muli nilang pagbubukas sa susunod na linggo.

Hanggang gupit lamang at wala pa ring facial, manicure/pedicure, wala pa ring pagtanggal o pag-aayos ng mga kilay.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na bagama’t bahagyang magbabalik- operasyon na ang mga beauty parlor at barber shops sa pagpasok ng ilang parte ng bansa sa general community quarantine (GCQ) sa Lunes, ay hanggang pagpapagupit lang muna ang mga serbisyong papayagan dito.

“Huwag po kayo masyadong ma-excite dahil limitado po ang mga barbero at mga salon sa paggugupit. Wala pa ring facial, wala pa ring sa kuko, wala pa ring pagtanggal ng mga…eyebrows. Hanggang gupit lang tayo,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Sa ilalim ng Resolution No. 41 ng Inter-agency Task Force on COVID-19 response, magbabalik-operasyon ang mga parlor at barber shops simula Hunyo 7 pero hanggang 30 porsiyentong kapasidad lang ang maaaring pumasok dito.

Makaraan ang dalawang linggo, maaari nang magbalik-operasyon sa 50 percent capacity ang mga ito.

Aniya, sa malaking bahagi ng bansa na sasailalim sa modified general community quarantine, maaaring buksan ang salon sa 50 percent capacity.

At makaraan ang tatlong linggo ay maaari na ang 100 percent operational capacity.

Nauna rito, nanawagan ang grupo ng mga salon na payagan silang magbalik-operasyon. CHRISTIAN DALE

78

Related posts

Leave a Comment