(NI ROSE PULGAR)
NAKIKIPAG-UGNAYAN na ngayon ang Quick Response Team ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa employer ng Pilipina na household worker (HSW) na umano’y ginahasa,binugbog at plinantsa pa ng among lalaki sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ayon kay OWWA Welfare Officer Benny Reyes, mahigpit na minomonitor ng Quick Response Team ang kaso ng Pinay na itinago sa pangalang “Nida” maging sa Saudi recuitment agency ng biktima matapos maidulog sa kanila ng GMA network ukol dito.
Base sa kuwento ng Pinay, naganap umano ang panghahalay sa kanya ng amo nitong Hulyo 19.
Aniya, namamalantsa siya nang lapitan siya ng amo at tangkaing gahasain kaya nanlaban siya subalit kinuha umano ng suspect ang plantsa para itapat sa mukha ng Pinay subalit nasalag nito sa braso kaya nagtamo ng paso.
Dahil dito, pinagtatadyakan umano siya ng amo sa kanyang hita at binti kaya dito sinasabing nangyari ang panghahalay.
Matapos ang insidente, humingi umano ng tulong ang Pinay sa among babae na naawa sa kanya at ipinasyang ilipat siya ng bahay ng kanyang magulang.
Sa ngayon hindi pa nadadala ang Pinay sa tanggapan ng OWWA sa naturang bansa.
114