(NI NOEL ABUEL)
SA layuning matulungan ang maraming magsasaka dahil sa epekto ng Rice Tariffication Law ay pinalalaanan ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa pamahalaan na bigyan ang mga ito ng P1 bilyon.
Ayon kay Pangilinan, ang nasabing pondo ay bilang ayuda sa mga magsasaka para magamit sa pagtatayo ng warehouse at rice mill sa bawat rice producing district.
Sa inihain nitong Senate Bill 33, o ang Post-Harvest Facilities Support Act of 2019, ang mga kagamitan at makinang ipagkakaloob din ng pamahalaan ay maaaring ibenta sa bawat kooperatibang magsasaka sa loob ng 25 taon.
“Ang ibig natin ay tumaas ang kita ng mga magsasaka natin. Ang ibig natin ay gumaan nang kaunti ang kanilang hirap. Ang ibig natin ay makita nilang may kinabukasan sa pagpapakain sa atin,” aniya.
Paliwanag pa ni Pangilinan na sa pamamagitan ng tulong ng pamahalaan ay makakatulong ito sa mga magsasaka para kumita nang malaki.
“Kapag may sapat silang pasilidad gaya ng imbakan, traktora, at gilingan, mababawasan ang maaaksayang palay, mas malaki ang ani, mas lalaki ang kita ng ating mga magsasaka,” ani Pangilinan.
Ayon sa senador, base sa pag-aaral ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) at ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), nasa kabuuang 16.47 porsiyento ng palay ang nawawala sa post-harvest.
175