P1-M PABUYA VS. KILLERS Staff ni NegOr Rep. Teves patay sa riding in tandem

ISANG milyong piso ang ilalaang pabuya laban sa mga pumaslang sa driver ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves Jr.

Kahapon ay nabalot ng lagim ang Sta. Catalina, Negros Oriental nang patayin ang isa sa mga driver ng mambabatas.

Nasawi si Jevanie Catubay Y Palagtiw matapos barilin ng riding in tandem sa Brgy. Obat Sta. Catalina.

Pauwi na umano ang biktima matapos magtanong sa isang hardware para sa kailangang gamit sa bahay nito.

Ayon sa mga saksi, bigla na lang sumulpot ang pulang motorsiklo lulan ang dalawang naka-full face mask at helmet at agad pinaputukan si Catubay. Tinangay pa ng mga ito ang gamit na scooter ng biktima.

“Isang kahindik-hindik na pangyayari. Ganito na ba ngayon sa Negros Oriental? Ang pangarap natin na tahimik at asensado na lalawigan ay tila nagiging madilim na landas. Tinatawagan ko ang ating mga kapulisan na agarang imbestigahan at kumilos agad upang mahuli ang mga walang-awa na salarin na mga ito,” pahayag ni Teves.

Natagpuan sa crime scene ang mga basyo ng bala ng kalibre 5.56 at cal. 45.

Ayon pa sa mga saksi, mukhang inabangan ang biktima at alam din ng mga salarin na naka-bullet proof vest ito.

Sa ngayon, nakatutok ang atensyon ni Rep. Teves sa pagtulong sa mga naulila ng driver nito. Kilala si Teves na mapagmahal sa mga tauhan at mga kababayan sa Negros Oriental.

Kasabay nito, nagpahayag ang ilang mambabatas at kaibigan ni Rep. Teves na tutulong at magbibigay ng pabuya sa mga makapagtuturo sa kinaroroonan at ikadarakip ng mga salarin.

173

Related posts

Leave a Comment