P10-B PONDO NG RCEF, ‘DI KAILANGAN NG DAGDAG MULA SA COVID-19 BUDGET

IPINALIWANAG ni Senador Cynthia Villar na sapat ang P10 bilyong pondo kada taon ng Rice Tariffication Law na awtomatikong inilalaan sa pambansang badyet alinsunod sa itinakda ng batas hanggang sa susunod na anim na taon.

Sa pahayag, sinabi ni Villar, chairman ng Senate committee on agriculture and food, na hindi kailangan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang karagdagang pondo mula sa COVID-19 prevention budget.

Ayon kay Villar, hindi para sa RCEF ang hinihinging karagdagang pondo ng Department of Agriculture na gagamitin ng ahensiya sa ibang programa nito.

“Bukod sa RCEF, may hiwalay na programa ang DA –ang National Rice Program na may taunang P7B budget. Ito ay ginagamit ng DA na pambili ng fertilizer and hybrid seeds,” ayon kay Villar.

Naging epektibo noong March 2019 ang Rice Tariffication Law (RTL) o Republic Act 11203 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Pebrero 2019.

Sa ilalim ng batas, nagkaroon ng RCEF na tumitiyak sa P10 billion alokasyon kada taon o mas mataas pa na kukunin sa tariff na kinolekta ng Bureau of Customs.

Tinitiyak din na noong 2019 hanggang 2024 ang P10 billion pondo para sa mga sumusunod: P5 billion o 50 percent na pambili ng rice farm equipment – tillers, tractors, threshers, milling, transplanters, harvesters, irrigation pumps, at drying facilities na ibibigay sa 947 o rice-producing towns na ipatutupad sa bansa ng PhilMech.

Maglalaan din ng P3 billion o 30 percent sa pagpapaunlad, promosyon, pamamahagi at produksyon ng inbred seeds ng PhilRice para sa rice farmers at seed growers sa inbred rice seeds production at trade.

Inilaan din ang P1 billion o 10 percent sa murang pautang na may 2 porsiyentong interes kada buwan na ipatutupad ng LandBank at Development Bank of the Philippines at 10 percent o P1 billion sa training programs na ipatutupad ng PhilMech, PhiRice Agricultural Training Institute at TESDA para sa teaching skills sa production ng inbred seeds ng mga magsasaka, modern rice farming techniques, farm mechanization, knowledge at technology transfer sa farm schools sa buong kapuluan.

Sa ilalim ng batas, sisimulan ng RCEF ang mga programang naglalayong matulungan ang mga lokal na magsasaka na makipagkumpetensiya upang maibaba mula P12 kada kilo tungo sa P7 kada kilo sa produksiyon ng bigas.

“This cheaper supply of rice from our own rice farmer helps lower rice prices for Filipino consumers.”

Tinututukan ng batas ang rice farmers, cooperatives, at associations. Naglalaan din ito ng tariff revenues bukod sa Php10 billion sa Rice Farmer Financial Assistance program upang ibigay sa rice farmers na mawawalan ng kita dahil sa batas.

Ilalaan ang bahagi ng excess tariff sa pagtititulo sa rice lands, expanded crop insurance at crop diversification program. (ESTONG REYES)

127

Related posts

Leave a Comment