(NI BERNARD TAGUINOD)
TUMATAGINTING na P12 Billion ang hindi binabayarang buwis ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Corporation (POGO) kada buwan.
Ito ang nabatid kay House and means committee chairman Joey Salceda matapos aprubahan ang panukalang batas na patawan ng 5% na buwis ang POGO operation sa bansa at 25% sa sahod ng mga Chinese workers.
“Easily P12 Billion (ang makokolektang buwis sa Chinese workers),” ani Salceda kaya dapat aniyang obligahin ang lahat mga Chinese nationals na nabigyan ng Alien Working Permit at Especial Working Permit na magkaroon ng Tax Identification Number (TIN).
Sa hiwalay na pagdinig ng House committee on games ang amusement na pinamumunuan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, inatasan nito ang Bureau of Immigration (BI) at Department of Labor and Employment (DOLE) na isumite sa Kongreso ang listahan ng mga Chinese national na nagbigyan ng permit para magkapatrabaho dito sa bansa.
“Iche-check natin sa BIR (Bureau of Internal Revenue) kung sino ba dyan ang mga may TIN kaya bigyan nyo kami ng listahan nyo,” ani Yap sa BI at DOLE dahil lumalabas sa pagdinig ng kanyang komite na umaabot sa 160,000 ang Chinese POGO workers ang nasa bansa ngayon.
Sinabi ni 1PACMAN party-list Rep. Eric Pineda sa nasabing bilang ng mga Chinese workers, 10,000 lamang umano sa mga ito ang may TIN kaya kinastigo nito ang BI at DOLE dahil nagbibigay ang mga ito ng permit to work sa mga dayuhang ito na walang TIN.
“Luging lugi naman tayo diyan,” ani Pineda dahil ang mga Filipino aniya ay nagbabayad ng kanilang income tax samantalang ang mga dayuhang ito ay nakakaiwas sa responsibilidad sa gobyerno.
195