P12-B kontrata nakopo ng Pharmally

0

Kaugnay nito, nagtataka si Senador Panfilo “Ping” Lacson kung paano nakuha ng Pharmally Pharmaceutical Corporation ang P12 bilyong halaga ng kontrata sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) na ipinambili ng overpriced medical supplies para sa Department of Health (DOH).

Sa kanyang pagtatanong sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa overpriced umanong medical supplies na nakita sa audit report ng Commission on Audit (COA), sinabi ni Lacson na lubhang nakapagtataka kung paano nakakuha ng P12 bilyon kontrata ang Pharmally na may P600,000 na puhunan.

“Paano nangyaring ang Pharmally Pharmaceutical Corp. na may kapital na lagpas lang ng bahagya sa P600,000, ay nakopo ang halos P12 bilyong kontrata sa pamahalaan para sa medical supplies sa pagtugon sa pandemya ng COVID-19?,” ayon kay Lacson.

Ayon kay Lacson, bahagi ang nabanggit na halaga ng P42 bilyon na inilipat ng DOH sa PS-DBM upang ipambili ng kagamitan sa pagtugon sa COVID-19.

Dahil dito, inatasan ng mambabatas si Pharmally chairman Huang Tzu Yen at director na si Linconn Ong na isumite sa komite ang official records na nagsasaad ng mga kontratang nakuha ng kumpanya pati na rin ang mga kaakibat na halaga.

“Just make sure you base your figures on official records,” paalala ni Lacson, matapos isiwalat ni Ong na batay sa kanilang “records” ay nakakuha ang Pharmally ng P11 bilyon.

Batay sa datos mula sa Government Procurement Policy Board, binanggit ni Lacson na ang Pharmally ay napagkalooban ng tinatayang pitong kontrata na naghahahalaga ng P8,625,496,016.

“If we add the computations of Senators Franklin Drilon and Richard Gordon, it could reach P12 billion,” dagdag ng mambabatas.

Una rito ay isiniwalat ni Lacson na batay sa mga inisyal na impormasyon na kanyang nakuha, nasa 50,000 face masks lamang ang isu-suplay ng Sitaldas company at 100 milyon piraso mula sa EMS, bagama’t 25 milyong piraso lamang ang natanggap.

Malaking bahagi ng kontrata ng Pharmally ay nagkakahalaga ng P3.82 bilyon para sa dalawang milyong set ng personal protective equipment (PPE) na binili ng kumpanya sa halagang P1,150 kada set at ibinenta sa P1,910 bawat set na may patong na P760/set o tinatayang P1.5 bilyon ang pinakamababang tubo sa kabuuan.

Dismayado rin ang senador sa pagpabor ng pamahalaan sa mga supplier ng imported na kagamitan gayung mayroon namang mga lokal na negosyanteng kayang matugunan ang mga pangangailangan para sa pagharap sa pandemya.

Duterte walang paki

Samantala, wala umanong pakialam si Pangulong Duterte kung banatan man ng Senado ang Pharmally.

Pilit kasing hinahanap ng mga senador ang ugnayan nina dating economic adviser to the president Michael Yang at Pharmally Pharmaceuticals Corp. na nakasungkit ng P8.6 bilyong kontrata kabilang na ang iba pang mga may kinalaman sa suplay ng sinasabing overpriced anti-COVID masks at face shields noong nakaraang taon.

Sa kanyang Talk to the People ngayong Martes ay sinabi ng Chief Executive na ang pandemic deals ng pamahalaan ay ginawa alinsunod sa itinatadhana ng batas at maging ng pagpe-presyo.

“Para sa akin, tapos na kami. Iyang Pharmally ninyo, pati droga, bahala kayo, wala akong pakialam n’yang Pharmally… You can crumple Pharmally, wala kaming pakialam d’yan,” ani Pangulong Duterte.

“Ang pakialam namin, nag-order kami, dumating, tama ‘yong order, ta’s ang presyo negotiated,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, kumbinsido naman ang pangulo na habambuhay mawawala ang kredibilidad ni Gordon dahil sa pakikinig sa sinibak na si policeman Eduardo Acierto, na nag-ugnay kay Yang sa narcotics trade. (ESTONG REYES/CHRISTIAN DALE)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment