P126-M SA DEPED, UTANG O TULONG NG US?

deped2

MAKATATANGGAP ng P126 milyon o $2.5 milyon ang Department of Education (DepEd) mula sa Estado Unidos upang magtuluy-tuloy ang batayang edukasyon sa bansa kahit patuloy na humahagupit ang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Hindi lang malinaw kung ang perang manggagaling sa US Agency for International Development (USAID) ay utang o donasyon.

Kung utang, babayaran ito ng pamahalaan.

Pumasok ang P126 milyon habang sunud-sunod ang pautang ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) sa administrasyong Duterte ngayong unang kwarter ng 2020.

Ayon sa USAID, magiging “partner” nito ang DepEd sa pagbibigay sa mga guro ng “instructional strategies and learning materials designed for use in both school and home learning environments.”

Aalalayan din ng USAID ang DepEd sa pagpapaunlad ng “rapid, easy-to-use assessment tools for teachers to gauge and support students’ literacy skills once they can return to school.”

“The US government, through USAID, remains committed to ensuring young students have the opportunity to continue to learn despite the challenges that COVID-19 has created,” pahayag ni USAID Mission Director Lawrence Hardy.

Maliban sa DepEd, makikipag-ugnayan din ang USAID sa pribadong sektor at media upang ipalaganap ang kanilang mga pahayag at payo na makatutulong sa mga magulang upang makapagbalangkas ng mga aktibidad na magagamit ng kanilang mga anak sa bahay.

Batay sa ulat ng US embassy sa bansa, mayroong 27.7 milyong mag-aaral at kabataang Filipino ang nanganganib na matigil ang pag-aaral dulot ng COVID-19.

Idiniin ng embahada na ang mga mag-aaral sa mababang antas ng edukasyon “are particularly vulnerable to learning loss because they need significant support from their parents, teachers, and caregivers.”

Tiniyak ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones na tuloy ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong elementarya at sekondaryong paaralan sa Agosto 24, alinsunod sa itinakda ng batas.
Siniguro rin ni Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte na handa ang DepEd na ikasa ang ligtas na pag-aaral ng milyun- milyong estudyante sa iba’t ibang panig ng bansa. NELSON S. BADILLA

101

Related posts

Leave a Comment