P2-B DAGDAG NA PONDO PAMBILI NG PALAY NG FARMERS

(NI BERNARD TAGUINOD)

MAGKAKAROON ng karagdagang P2 billion ang National Food Authority (NFA) na pambili sa palay ng mga magsasaka sa mas mahal na presyo kumpara sa mga pribadong traders.

Ito ang tiniyak ni House Speaker Allan Peter Cayetano sa ambush interview sa gitna ng deliberasyon sa 2020 national budget sa Kamara upang mas marami umanong magsasaka ang matulungan ng gobyerno.

“Definitely not lower than P9 billion, but we’re looking for much more,” ani Cayetano kaya magkakaroon ng realignment sa pambansang pondo subalit hindi pa tinutukoy kung saan ahensya ito kukunin.

Ang NFA  ay may P7 Billion lamang na budget ngayong taon para sa pambili ng palay sa mga magsasaka sa bansa kung saan gagamitin ito bilang buffer stock ng ahensya at magagamit sa mga kalamidad.

Ganito ang ipinanukalang pondo ng NFA sa susunod na taon subalit dahil sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilhin ang palay ng mga magsasaka ay daragdagan umano ang pondong ito.

“We’re looking for much more…. we’re still getting data from the DA. But based on our initial hearing, P7 billion is really too little,” ani Cayetano kaya hinahanapan na umano nila ng paraan upang madagdagan ito ng P2 Billion o mas mataas pa.

Sa ngayon ay umaaray na ang mga magsasaka dahil naibebenta na lamang nila ng P7 kada kilo pataas ang kanilang palay matapos bumaha ang imported rice sa bansa dahil sa Rice Tariffication Law.

Walang ibang sinisisi ang oposisyon sa pagbagsak ng mga magsasaka kundi ang gobyernong Duterte dahil ipinilit ng mga ito ang Rice Tariffication Law kahit hindi pa handa ang bansa bukod sa pinayagan ang mga rice traders na mang-angkat ng bigas ng walang limitasyon.

 

223

Related posts

Leave a Comment