P20 KADA BENTA SA IMPORTED SUGAR PINATATABI

KUNG magtatabi ng P20 kada kilong naibebentang imported na asukal, magkakaroon ng sapat na pondo ang sugar industry sa pagpapaunlad ng kanilang sektor habang pinangangalagaan ang interes ng kapwa consumer at local producers, ayon kay Senador Grace Poe.

Inilutang ni Poe ang naturang ideya sa ginanap na pagdinig ng Senate blue ribbon committee hinggil sa maanomalyang pagpapalabas ng Sugar Order No. 4 dahil masyadong malawak ang diperensya ng presyo ng asukal sa pandaigdigang pamilihan kumpara sa lokal na merkado.

“For every 300,000 metric tons we import, we’ll have P3 billion to give to our farmers. Kung 150,000 tons lang, that’s still P1.5 billion extra that we can give to the sugar industry to subsidize them, and at the same time, our consumers would stand to save P28 per kilo,” aniya.

Sinabi ni Poe na umabot lamang sa P22 kada kilo ang presyo ng asukal sa international market habang P70 naman ang retail price sa bansa.

“Dapat magsagawa ng computation ang Department of Trade and Industry (DTI) upang magkaroon ng liberalisasyon sa industriya kahit saglit lang habang nahaharap tayo sa kakapusan ng suplay,” ayon kay Poe.

Umabot na sa P100 ang kada kilo ng asukal sa bansa. Pero, mayroong P70 sa ilang piling outlets kaya’t iginiit ng mambabatas na puwede pang ibaba ang retail cost ng asukal sa P55 upang makahinga naman ang consumer.

Hiniling din niya sa gobyerno na suriin ang timing ng importation at harvest season upang mabalanse ang interes ng kapwa consumer at local producers.

“I really think we can support the industry by adding a little bit of tariff and that tariff will not even disadvantage consumers because it will still come out cheaper,” ani Poe.

Dagdag niya: “I support the sugar industry but I should also advocate for our consumers who are clearly the ones getting the short end of the bargain.” (ESTONG REYES)

66

Related posts

Leave a Comment