P20-M GUGUGULIN SA PAGKAIN SA SONA NI BBM

(BERNARD TAGUINOD)

TUMATAGINTING na P20 milyon ang gagastusin ng Kongreso sa pagkain ng congressmen at mga bisita sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa July 22.

Ito ang inamin ni House Secretary General Reginald Velasco kahapon matapos humarap sa media kaugnay ng isinagawang preparasyon sa ikatlong SONA ni Marcos.

Ayon sa opisyal, mahigit P2,000, kasama na ang very important people (VIP) ang nagkumpirma na dadalo sa SONA ni Marcos at hindi pa kasama rito ang senador at congressmen at kanilang mga asawa.

Dahil dito, aabot aniya sa P20 milyon ang pondong inilaan para sa pagkain ng mga ito kasama na ang mga security mula sa Presidential Security Group (PSG), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Hindi pa sinabi ni Velasco kung anong pagkain ang ihahanda sa mga mga senador, congressmen at mga bisita.

Samantala, hanggang kahapon ay wala pang kumpirmasyon kung dadalo sina Vice President Sara Duterte at ama nitong si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Velasco, naipadala na ng mga ito ang imbitasyon sa mag-amang Duterte subalit wala pang natatanggap ang mga ito na kumpirmasyon kung sila ay dadalo o hindi.

Sa July 15, magsasagawa na aniya ng final inter-agency meeting para sa SONA at inaasahan na matatapos ang paghahanda sa July 18 dahil kinabukasan, July 19 hanggang July 21, ay ila-lockdown na aniya ang Batasan Pambansa Complex.

33

Related posts

Leave a Comment