P225-M AYUDA SA 2024 PANTAPAL SA PRICE HIKES

MISTULANG pantapal lamang sa inaasahang pagsargo ng presyo ng mga bilihin sa susunod na taon ang mahigit dalawang daang bilyong pisong inilaan para sa ayuda o tulong pinansyal sa 12 milyong Pamilyang Pilipino sa ilalim ng 2024 national budget.

Ito ang lumalabas matapos aminin ni House Minority Leader Marcelino Libanan na inaasahang tataas ang presyo ng mga bilihin sa susunod na taon dahil sa El Niño na magiging dahilan para bumaba ang produksyon ng pagkain sa bansa.

“The ayuda in the form of new cash transfers and other subsidy programs in the 2024 national budget are expected to help vulnerable sectors cope with potential basic commodity price increases due to the harsh impact of the El Niño phenomenon on farm harvests,” ani Libanan.

Sa ilalim ng 2024 national budget, P225.8 billion ang inilaan para sa ayuda umano ng may 12 milyon pamilyang Pilipino na kinabibilangan ng P60 billion Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) kung saan bibigyan umano ng one-time P5,000 cash assistance ang mga bawat pamilyang mahihirap.

Pinondohan din ng P30 billion ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers (TUPAD) habang P23 billion naman para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Bukod dito, ang P112.8 bilyong Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan 4.4 milyong pamilyang Pilipino ang bibigyan ng buwanang ayuda sa buong taon kapalit ng pagpasok ng kanilang mga anak sa paaralan.

“Along with the recent increases in the regional minimum wage rates, the subsidies will help struggling families grapple with the upward pressure on consumer prices,” ayon pa sa mambabatas.

Umaasa rin ito na madagdagan pa ang mga ayuda upang mas maraming pamilya ang matulungan lalo na’t inaasahang maaapektuhan ang produksyon ng pagkain sa susunod na taon dahil sa matinding tagtuyot.

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), 65 probinsya ang makararanas ng tagtuyot sa May 2024 na magtatagal ng 3 buwan dahil mababawasan umano ng 60% ang ulan sa bansa.

(BERNARD TAGUINOD)

187

Related posts

Leave a Comment