P23-B SEWER FEES ‘RAKET’ NG AYALA, MVP BISTADO NG SOLON

Rep Lito Atienza

Buwis ng Maynilad at Manila Water ipinasa sa taumbayan

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI pa kuntento sa pabor na nakuha ang Manila Water at Maynilad sa water concession agreement, iniisahan pa nila ang kanilang mga kostumer sa kinokolektang sewage fees.

Ito ang reklamo ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa dalawang nabanggit na kumpanya ng tubig sa Metro Manila dahil kolekta nang kolekta aniya ang mga ito para sa waste water treatment facilities subalit hindi nila itinatayo ang mga proyektong ito.

Mistulang inihalintulad ng mambabatas sa ‘pangraraket’ ang patuloy na paniningil ng dalawang kumpanya sa nasabing bayarin.

Ayon sa dating mayor ng lungsod ng Maynila, buwan-buwan ay nangongolekta ng sewage fees ang Manila Water at Maynilad sa kanilang mga kostumer para sa nasabing proyekto.

“Water consumers over the years have been paying a so-called sewage fee, amounting to 20 percent of their monthly water bills, for a service that has never been rendered,” ani Atienza.

Layon ng nasabing pasilidad na matiyak na ang mga tubig mula sa mga kabayahan, gusali, negosyo at iba pang establisimyento ay malinis bago ito padaluyin sa ilog o dagat.

Gayunpaman, limitado umano ang treatment facilities ng dalawang nabanggit na water concessionaires subalit tuloy-tuloy pa rin sa pangongolekta ang mga ito sa sewage fees.

“Niloloko nila tayo, bayad tayo nang bayad, pero wala namang serbisyong nabibigay. Hindi nila tinutupad ang kanilang obligasyon kay Juan dela Cruz,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil dito, kahit anong linis umano ng gobyerno partikular na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Manila Bay ay walang mangyayari hangga’t hindi nakumpleto ang water treatment facilities ng Manila Water at Maynilad.

Ang Manila Water ay pag-aari ng mga Ayala habang kabilang naman ang Maynilad sa mga negosyo ni Manny V. Pangilinan.

Samantala, binayaran ng mga customer ng Manila Water at Maynilad ang kanilang income at corporate tax na umaabot sa P23 Billion mula noong 2008 hanggang 2012 kaya patuloy ang kanilang pagyaman.

Ito ang nakasaad sa House Resolution (HR) 571 na inakda ng mga militanteng mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na sumusuporta sa pagkalkal sa concession agreement sa pagitan ng gobyerno, Maynilad at Manila Water.

Ayon sa grupo, mula 2008 hanggang 2012 ay ipinapasa ng Manila Water at Maynilad sa mga consumer ang kanilang taunang income tax na umaabot sa P1.3 Billion kada taon.

Nangangahulugan na sa loob ng 5 taon ay nagbayad ang mga consumer ng P15.3 Billion sa income tax ng dalawang nabanggit na water concessionaires.

“Apart from the corporate taxes amounting to P8.07 Billion from 2013-2014, all enjoying a six year income tax holidays granted by the Board of Investments from 2009 -2015,” ayon pa sa resolution ng Makabayan bloc sa Kamara.

Ilan lamang ito sa kabig ng Manila Water at Maynilad simula nang makuha ng mga ito ang concession noong 1997 habang ang mamamayan anila ay patuloy namang nagdurusa sa pagbabayad dahil pataas ito nang pataas.

Maliban dito, hindi umano maayos ang serbisyo ng dalawang water concessionaires simula nang hawakan ng mga ito ang water distribution service at patunay rito ang water crisis na naranasan ng taga-Metro Manila noong nakaraang taon.

Dahil dito, sinabi ng grupo na kinabibilangan nina Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, Eufemina Cullamat ng Bayan Muna; Rep. France Brosas ng Gabriela, Kabataan party-list Rep. Sarah Elago at ACT party-list Rep. France Castro, walang ginastos ang mga kumpanyang ito sa kanilang obligasyon sa gobyerno.

Dahil dito, sinuportahan ng mga ito ang plano ni Pangulong Duterte na i-nationalize ang water service kapag hindi tinanggap ng Manila Water at Maynilad ang bagong kontrata sa tubig. BERNARD TAGUINOD

 

257

Related posts

Leave a Comment