(NI AMIHAN SABILLO)
NAGLAAN ang Philippine National Police (PNP) ng 289 na milyong piso para pambili ng mga body cameras na gagamitin sa mga Police operations.
Ito ang inihayag ni PNP OIC PLt. Gen. Archie Francsco Gamboa, ini-award ang bidding sa EVI Distribution, isang kumpanya sa San Juan, sa contract price na P288,888,888 kasama ang taxes, duties, maintenance at data system.
Magsasagawa rin umano ang NHQ- Bids and awards committee ng assessment ng performance security at final evaluation ng sistema bago ilabas ang supply contract at purchase order ngayong taon.
Inihayag pa ni Gamboa, ang mga body cameras ay bahagi ng isang buong sistema na nagpapahintulot ng “real time streaming” para sa mas epektibong data control at monitoring ng mga Police operations.
Kasama din sa sistema ang lahat ng connectivity systems, accessories, video management software, computer servers, at data storage para sa mga body cameras.
Magtatayo umano ang PNP ng National Management and Monitoring Center na konektado sa 17 Regional Monitoring Centers, and 81 Provincial Monitoring Centers (PMCs) at mamandohan ng PNP Information Technology Management Service, para sa pag-monitor ng mga live feed mula sa mga body cameras.
Ang hakbang ay bahagi ng isinusulong ng PNP na “Smart policing” na gamit ang teknolohiya para sa mas epektibong pagpapatupad ng misyon ng kapulisan.
395