P2T ‘DI GINAGASTOS NG GOBYERNO; DBM SEC. DIOKNO IPAPATAWAG SA ‘QUESTION HOUR’

Umaabot sa mahigit P2 trilyon ang pera ng taumbayan na ayaw gastusin ng gobyerno kaya ipapatawag ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno para humarap sa Question Hour sa Kapulungan para personal na magpaliwanag.

Sa press conference ng minority bloc kahapon, sinabi ni House minority leader Danilo Suarez, na sandamakmak ang pera ng gobyerno, subalit nakakapagtataka na ayaw itong gastusin ng pamahalaan.

Nabatid na sa naturang halaga, P1.3 bilyon ang pondong hindi nagastos ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III mula 2010 hanggang Hunyo 2016.

Gayunpaman, hindi ito ginastos ng kasalukuyang gobyerno at sa halip ay nagkaroon din ang mga ito ng under-spending na halos P984 Billion sa unang dalawang taon nito o mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2017.

Inaasahang lalaki pa umano ang under-spending budget o pondong hindi nagastos ng kasalukuyang administrasyon dahil hindi pa kasama rito ang taong 2018.11.21

“Ang purpose ng pera ay gastusin, hindi itago pagdating sa gobyerno,” ani Suarez dahil nakakatulong umano ito para sumigla ang ekonomiya ang magkaroon ng trabaho ang mamamayan.

Kabilang umano sa top-5 agency na hindi ginagastos ang lahat ng ibinigay na pondo sa kanila taon-taon ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi naman ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza na nakakahiya sa taumbayan na kolekta ng kolekta ng buwis ang gobyerno subalit ayaw itong ibalik sa kanila sa pamamagitan ng mga proyekto.

Pangunahing sinisisi ng grupo ni Suarez sa patuloy na paglaki ng perang hindi ginagastos ng gobyerno kahit kulang-kulang ang serbisyo publiko si Diokno dahil siya ang huling nagdedesisyon sa pagre-release ng pondo sa mga ahensya ng gobyerno.

119

Related posts

Leave a Comment