P3.7-B GAGAMITIN NG MARCOS ADMIN KONTRA MALNUTRISYON

NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng P3.7 bilyon para sa Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng panukalang P5.268-trillion national budget para sa taong 2023.

Sa isang kalatas, sinabi ng DBM na ang SFP ay mayroong dalawang subprograms, ang” regular feeding at milk distribution.”

Ang regular feeding program ay mapakikinabangan ng 1.8 milyong kabataan na naka-enroll sa child development centers na pinangangasiwaan ng local government units at day care centers.
Samantala, mayroong 157,968 malnourished children ang makikinabang sa milk feeding program.

Ang unang subprogram ay inaasahang makatatanggap ng P3.1 bilyong alokasyon habang ang pangalawa ay may panukalang paglaanan ng P360 milyon.

Ang natitirang P181.9 milyon ay ibinukod para sa administrative costs ng SFP.

Ang DSWD ang “lead agency” sa program implementation ng SFP para sa undernourished children na may edad tatlo hanggang limang taon.

Sa kanyang budget message, kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan na tugunan ang malnutrisyon sa mga sanggol, paslit at mga kabataan.

Para naman kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, mahalaga ang nutrisyon para i-develop at palakasin ang physical at mental na kapasidad ng mga kabataan.

Ang Republic Act No. 11037, mas kilala bilang “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act” ay naglalayong i- institutionalize ang feeding program ng bansa para sa mga undernourished na kabataan sa mga public day care, kindergarten, at elementary schools para labanan ang kahirapan at undernutrition sa hanay ng mga kabataang Pilipino. (CHRISTIAN DALE)

127

Related posts

Leave a Comment