(NI NOEL ABUEL)
NAGBANTA si Senador Panfilo Lacson na babawasan nito ang pondo ng New Bilibid Prison (NBP) bunsod ng natuklasang hindi ginagastos nang tama ang pondong inilaan para sa pagkain ng mga inmates sa Bureau of Corrections (Bucor).
Sa ikawalong imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga anomalya sa loob ng NBP at Bucor, kinuwestiyon ni Lacson kung anong pagkain ang ibinibigay sa mga preso sa inilaang P60.00 kada araw na pagkain ng mga ito.
Nabunyag din na inamin ni dating Bucor officer-in charge Rafael Ragos na nakakatanggap ang hindi nito pinangalanang NBP director ng P1M kada na suhol mula sa subsistence allowance ng mga preso.
“Hindi napupunta sa sikmura ng preso ang napakababa na P39 instead of P60, tapos kina-cut pa rin!” galit na pahayag ni Lacson.
Ngunit laking gulat ng mga senador nang aminin ng Bucor official na tanging P39.00 kada araw sa halip na P60.00 ang ginagamit sa pagpapakain sa mga inmates.
“Pag compute natin na nabawasan ng P21 kasi P39 per PDL per day lang, maka-save dapat ang gobyerno, mga P360M. Hindi ito budget hearing pero baka pwede i-amend na bawasan ng P360M. Kasi kasya pala ng P39,” sabi ni Lacson.
“Bakit papakainin mo ang preso ng P39 a day na meals, bayad na binibigay ng gobyerno ay P60, at least noong 2018, increased to P70 in 2019. Di ko ma-reconcile bigay n’yo preso P39 a day worth of meals. Saan napunta ang balance? Subsistence allowance ‘yun eh. I assume DBM would release to you the corresponding budget P60 per day per PDL. Saan napunta ang diperensya ng P21?” pag-uusisa pa ni Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na posibleng makasuhan ng technical malversation ang mga opisyales ng Bucor at NBP dahil sa pagre-realign sa P60.00 kada araw na pagkain ng mga preso.
166