(NI ABBY MENDOZA)
KINUMPIRMA ni House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab na sa Lunes, Enero 6, lalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P4.1 T national budget.
Depensa naman ng mga mambabatas, kahit pa man nagkaroon ng isang linggong delay sa pagpapatupad ng 2020 national budget ay wala itong epekto sa ekonomiya.
Giit ni 1 Pacman Partylist Rep Mikee Romero, hindi gaya ng naging delay sa 2019 budget ang nangyari sa 2020 budget.
“It’s unlike the budgetary mess we faced last year. Though the President signed the budget in April, the delay really extended to at least six months due to the tedious process of releasing and obligating funds. It really took its toll on the economy, whose growth slowed down in the first two quarters before recovering in the third quarter,” paliwanag ni Romero.
Matatandaan na una nang sinabi ni Romero, isang enonomist, na sa apat na buwan na delay sa pagpapatupad noon ng 2019 budget ay katumbas ng P464 billion economic loss subalit ngayong 2020 ay wala syang nakikitang epekto ng isang linggong delay.
Sinabi ni Davao City Rep at House Approprations Committee Chair Isidro Ungab na tiwala ang buong Kongreso sa isinumite nitong budget sa Malacanang na sumasalamin sa tunay na hangarin ng administrasyong Duterte na magkaroon ng inclusive economic growth sa buhay ng mga Filipino.
Aminado si Ungab na wala silang ideya kung mayroong probisyon sa 2020 national budget ang ive-veto ni Pangulong Duterte.
Magugunita na sa 2019 P3.7T budget ay nai-veto ni Pangulong Duterte ang may P95.3B budget kasama dito ang may P75B na insertions na ginawa ng Kamara para sa ilang proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways.
Sa advisory na ipinadala ng Malacanang sa Kamara ay inabisuhan ito na sa Enero 6, ganap na alas 4:00 ng hapon lalagdaan ng Pangulo ang national budget.
145