P4.6-T 2021 BUDGET TINATRABAHO NA NG DBM?

(NI BERNARD TAGUINOD)

KABADO ang isang mambabatas na lalong mababaon sa utang ang mga Filipino dahil sa 2021 ay aabot umano sa P4.6 Trillion ang national budget ng Duterte administration.

“Balita namin, ang next national budget ay P4.6 Trillion,” ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na mas mataas ng kalahating trilyon o P500 Billion sa 2020 national budget na nagkakalaga ng P4.1 Trillion.

Simula Enero ng bawat taon, nagsisimula na ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagbuo ng pondo ng gobyerno para sa susunod na taon kung saan pinagsusumite ang mga kongresista, local executives ng kanilang mga proyekto na popondohan ng national government.

Noong nakaraang linggo ay niratipikahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang P4.1 Trillion na 2020 national budget at nirerebyu na umano ito ng Malacanang bago lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte anumang araw ngayon.

Mas mataas ng P400 Billion ang 2020 national budget kumpara sa 2019 pambansang pondo na umaabot lamang sa P3.757 Trillion.

“Baka bago matapos ang Duterte administration magiging P6 Trillion na ang national budget,” ayon pa kay Zarate kaya nangangamba ang mambabatas na lalong mababaon sa utang ang mga Filipino.

“Ibig sabihin kasi nito, uutang ng uutang ang gobyerno,” pahayag pa ng mambabatas dahil hindi kaya ng koleksyon sa buwis ang mga ipinapanukalang buwis ng gobyerno taun-taon.

Base datos ng Bureau of Treasury noong Setyembre, umaabot na umano sa P7.8  Trillion ang utang panloob at panlabas ng gobyerno noong Hunyo 2019.

Nababahala ang kongresista na lalong lolobo ang utang na ito dahil palaki nang palaki ang pambansang pondo at wala umanong ibang magdudusa dito kundi ang taumbayan dahil mangangahulugan ito ng karagdang buwis na kanilang babayaran.

 

149

Related posts

Leave a Comment