P4 BILLION INUUTANG NG GOBYERNO ARAW-ARAW

UMUUTANG ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng mahigit apat na bilyong piso araw-araw dahil hindi sapat ang kita o nakokolektang buwis ng gobyerno para sa pangangailangan ng bansa.

Ito ang lumabas sa pagsisimula ng pagdinig ng House committee on appropriations sa P6.352 trillion budget sa susunod na taon na mas mas mataas ng P500 billion kumpara sa 2024 national budget na nagkakahalaga ng P5.77 trillion.

Sa presentasyon ni Finance Secretary Ralph Recto, sa nasabing pambansang pondo ngayong taon, 4.27 trillion lamang dito ang mula local revenue tulad ng buwis na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at income mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) at iba pa.

“Thus, on a daily basis, our expenditures amount to 15.80 billion pesos, of which 11.71 billion pesos will be financed by revenue collections, and the rest, 4.10 billion pesos, by loans,” ani Recto.

“Every 24 hours. Kada biente kuwatro oras,” dagdag pa kaya kailangan aniya ang magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang gobyerno na hindi kailangang dagdagan ang buwis na binabayaran ng taumbayan.

Ito aniya ang dahilan kaya nagpasya ang kanyang departamento na kunan ng 75% dividend ang lahat ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) mula sa dating 50% lamang.

Ipinagmalaki rin ng mga economic managers ni Marcos Jr., ang magandang numero ng ekonomiya subalit sinabihan ang mga ito ni Marikina Rep. Stella Quimbo, vice chairperson ng nasabing komite, na iparamdam ito sa taumbayan.

“Kailangan natin tiyakin na ang pag-unlad ng ekonomiya ay nagiging tunay at konkretong bepepisyo para sa bawat Pilipino. Hindi lang dapat magpakita ng pag-unlad ng ating mga numero kundi maramdaman din ng bawat mamamayan sa kanilang pang-araw-araw na buhay na tunay na sumasalamin ng kaunlaran ng ating bansa,” ani Quimbo.

Ganito rin ang mensahe ni House Speaker Martin Romualdez sa economic managers matapos personal na buksan ang pagdinig sa pambansang pondo.

“Aanhin natin ang pag-unlad kung hindi naman makikinabang ang ordinaryong Pilipino? Para saan ang magandang numero ng ekonomiya kung hindi ito mararamdaman ng mahihirap nating kababayan?” ani Romualdez.

Utang Lumobo Noong Hunyo

Kaugnay nito, lalong lumaki ang utang ng gobyerno na umakyat sa P15.48 trillion sa pagtatapos ng Hunyo, ayon sa datos ng Bureau of Treasury (BTr).

Itinurong dahilan ang pagtaas ng panloob at panlabas na utang na sinabayan ng paghina ng halaga ng peso.

Batay sa data ng BTr, tumaas ang kabuuang obligasyon ng estado ng P135.90 billion noong Hunyo, mas mataas ito ng 0.9% mula noong Mayo.

Lumaki ito ng 9.4% o katumbas ng P1.335 trillion kung ikukumpara noong nakalipas na taon.

Sa panloob na utang ng gobyerno, tumaas ito ng 1.2% o P10.57 trillion noong Hunyo bunsod ng paglalabas ng government securities na nagkakahalaga ng P129.9 billion.

Habang ang outstanding external debt o panlabas na utang ng gobyerno ay tumaas ng 0.1% o P4.91 trillion noong Hunyo at karagdagang P5.62 billion. Bunsod ito ng net borrowing at revaluation ng dollar-denominated debt dahil sa paghina ng halaga ng peso na na-offset naman ng P13.56 bilyong tapyas mula sa paborableng adjustments sa ibang currencies. (BERNARD TAGUINOD/JULIET PACOT)

214

Related posts

Leave a Comment