P50-M PALIT-ULO SA NAHUHULING CHINESE DRUG LORD

(NI NOEL ABUEL/PHOTO BY DANNY BACOLOD)

LALONG tumibay ang hinala ng mga senador na marami pang iregularidad ang nangyayari sa Bureau of Corrections (Bucor) sa patuloy na imbestigasyon ng Senado.

Sa ikaanim na pagdinig ng Senate Committee on Justice, iniharap ang mga bagong testigo na nagbunyag na talamak ang illegal na gawain sa loob ng Bucor.

Isa si dating Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na noong nagsagawa ito ng imbestigasyon sa nangyayari sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) noong 2014 ay inamin nitong ilang tiwaling tauhan ng PNP ang sangkot sa illegal na transaksyon.

Kabilang dito, ang sinabi ni Magalong na umaabot sa P50 milyon ang kinita ng ilang pulis kapalit ng kalayaan ng naarestong Chinese drug lord.

Paliwanag nito noong pinuno pa ito ng CIDG, nagsagawa ito ng intelligence operations at case build-up hinggil sa ilegal na gawain ng ilang tauhan ng CIDG, National Capital Region Police Office (NCRPO), at Police Regional Office 3.

Aniya, natuklasan nito na ilang pulis ang umano’y sangkot sa tinawag nitong “Agaw Bato” kung saan bahagi ng modus operandi ng mga ito ay madakip ang isang Chinese drug trafficker at makumpiska ang malaking bulto ng shabu at sa huli ay palalayain ang nahuling dayuhan kapalit ng P50M.

At bilang kapalit ay aarestuhin ng mga tiwaling pulis ang isa pang Chinese national kapalit na pinalayang Chinese drug lord.

“’Yung nahuli nilang Chinese ipapatubos ho nila ‘yan, let us say mga P50 million, the latest that I investigated, it amounted to about P50 million para tubusin nu’ng sindikato ‘yung Chinese drug lord. So kumita na po sila du’n sa drugs, kumita pa sila du’n sa nahuli nilang Chinese at palalabasin nila na ‘yung replacement, ‘yun ang orginal na nahuli nila,” pahayag pa ni Magalong.

Nang uriratin nina Senate President Vicente Sotto III, Senador Richard Gordon, Senador Franklin Drilon si Magalong ang pagkakakilanlan ng mga tiwaling pulis ay humingi ang huli ng Executive session upang sabihin ang pangalan ng mga nasabing pulis.

 

94

Related posts

Leave a Comment