(NI ABBY MENDOZA)
TINIYAK ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na inihinto na, tulad ng pagtalima sa kautusan ng Commissin on Audit (CoA), ang naglalakihang bonus, allowance at personal benefits ng mga opisyal at kawani ng ahensiya na umabot sa P519.925 million noong nakaraang taon.
Kasabay ito ng pagharap ni PCSO general manager Royina Garma at Chair Anselmo Pinili sa House Appropriations Committee kaugnay sa pondo nito para sa susunod na taon.
Sinabi ni Garma na nirerebisa na ng ahensya ang compensation package na nararapat lamang na maibigay sa mga empleyado.
Ayon kay Garma, nasa P24.6 B ang total revenue ng ahensya mula Enero hanggang Hunyo ng 2019 kung saan ang pinakamalaking kita ay nagmumula sa Small Town Lottery na nasa P12.66B o halos 52% at sumunud ang Lotto games na may P10.06B kita at ikatlo ay Keno na nasa P1.3B.
Sa kita ng STL P5.23B ay napupunta sa premyo, nasa P2.81 ang sa Documentary Stamp Taxes samantala P2.61B ang sa charity kabilamg dito ang sa Malasakit Center, calamity assistance at procurement ng medical equipment.
Kinuwestiyon ni Albay Rep. Edcel Lagman ang pagpopondo ng PCSO sa Malasakit Centers, giit ni Lagman dapat i-validate ng PCSO officials ang legal basis ng paglalaan ng pondo sa Malasakit Centers lalo at nagagamit umano ito bilang partisan tool sa halip na isang medical outlet.
Pero depensa ni Garma, ang Malasakit Centers ay isang one stop shop ng iba’t ibang government agencies kabilang ang Philhealth at DSWD kaya nagbibigay ng pondo dito ang PCSO. Dito rin umano nagpupunta ang mga pasyente na lumalapit sa PCSO.
Sa ngayon ay nakabimbin sa House of Representatives ang House Bill 1140 para sa institutionalization ng Malasakit Centers sa buong bansa kung saan maaari nang direktang lumapit ang indigent patients sa center sa halip na magtungo sa concerned agencies para magpresenta ng medical bills o abstract.
Sa nasabing pagdinig, sinabi ni Garma na 30% ng kanilang nalilikom na pondo ay ibinabayad nila sa pamahalaan bilang buwis, katunayan 22.81% o nasa P2.81B na kinita ng STL ang napunta sa pagbabayad ng buwis.
Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na dapat pag-aralan ng PCSO kung maari na hindi na sila magbayad ng buwis upang ang lahat ng kita nito ay mailalaan sa charity, ani Pichay, isang non-profit operation at charity-based ang PCSO kaya dapat ay hindi sila nagbabayad ng buwis at ang kita na nalilikom dito ay dapat napupunta direkta na sa mga charity programs.
Dahil dito, tiniyak ni Pichay na makialam ang Kamara sa operasyon ng PCSO at maghahain ng resolusyon para bisitahin at i-rationalize ang operasyon ng PCSO.
Pinag-aaralan na ng Promotion and Selection Board ng PCSO ang regularization at promotion ng kanilang mga job-order employees.
Maging ang status ng mga empleyado ng PCSO ay hinalungkat din ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite at bilang tugon, sinabi ni Garma na kanila nang inirerekonsidera ang mga empleyadong nasa ilalim ng job order.
Aabot sa 1,679 ang empleyado ng ahensya kung saan 1,074 dito ay permanent habang 617 naman ay job order.
159