NANINIWALA ang isang mambabatas na may pagtatangkang takpan ang totoong datos ng mahihirap sa Pilipinas.
Kasabay nito, kinastigo rin ng opposition solon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang National Economic and Development Authority (NEDA) matapos sabihin na P64 kada araw lang ang kailangan ng isang Pinoy sa loob ng isang araw sa pagkain para makawala sa food poverty.
“Saang planeta kaya nabubuhay ang mga taga-NEDA para sabihin ito? Nasubukan na ba nilang mabuhay na P64 lang para sa pagkain sa buong araw ang gagastusin tapos sasabihin na di ka na mahirap kapag ganoon?” tanong ni House deputy minority leader France Castro.
Ayon sa mambabatas, sa taas ng presyo ng mga bilihin kasama na ang bigas ay imposibleng magkakasya ang P64 para sa buong araw na pagkain ng isang tao subalit ito lang ang halaga na itinakda ng NEDA.
Dahil dito, hindi maiwasan ng mambabatas na magalit dahil iniinsulto umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga Pilipino na lalong naghihirap dahil hindi nito nireresolba ang mataas na presyo at kakulangan ng supply ng pagkain.
“Nakagagalit at nakakainsulto ang ganitong mga pahayag ng Marcos admin. Para lang masabing bumaba na ang bilang ng mga food poor, mas mahalaga pa sa kanila ang statistics kaysa maibsan ang tunay na kalagayan ng mamamayan. Ang kailangan ng mga manggagawa ay substansyal na dagdag sahod hindi na-magic na computation,” ayon pa kay Castro.
Kung susundun aniya ang NEDA, P21.333 lang ang kailangan ng isang Pinoy sa bawat kain na imposibleng magkasya maliban lamang aniya kung hindi sa Pilipinas nakatira ang mga ito bagkus ay sa ibang planeta.
“Sa ganitong komputasyon kasi ay lalabas nyan lagpas P20 per meal per tao lang e hindi naman ubra yun. Ano na lang ba nabibili sa P20? Turon o banana que o kaya noodles. Hindi tatagal sa katawan ng tao yun. Hindi aabot sa normal calories na kailangan per day,” dagdag pa ng mambabatas.
Dahil dito, itatanong aniya nito sa budget ng hearing ng Department of Trade and Industry (DTI) kung ano ang mabibili ng P64 na tatagal sa buong araw at kung masustansya ito na kailangan ng katawan ng isang tao.
“Sa bigas nga lang 29 na per kilo tapos sa Kadiwa lang mabibili yun. Sa normal na tindahan nasa P50 pataas na,” ayon pa kay Castro. (BERNARD TAGUINOD)
53