P700-K RAKET SA ANNULMENT IBINUNYAG SA SENADO

divorce22

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

HALOS ipinagdiinan ni Senador Risa Hontiveros na napapanahon na ang pag-apruba sa panukalang Dissolution of Marriage o Divorce Bill.

Ito ay makaraan anyang lumitaw sa kanilang una’t huling hearing sa panukala na may mga taong ginawang raket ang proseso ng annulment.

Sinabi ni Hontiveros na batay sa mga impormasyon, umaabot pa sa P700,000 ang gastos para sa proseso ng annulment lalo na kung ang grounds ay psychological incapacity.

“May lumabas na annulment scam, pinagkakitaan ang heartbreak ng ating mga kababayan,” saad ni Hontiveros.

Tiniyak ng senador na kapag naipasa ang kanilang panukala para sa dissolution of marriage,  hindi na kasing mahal ang proseso ngayon ng annulment.

“Hindi gagawing kasing mahal ang dissolution of marriage, dahil kunwari may iba’t ibang grounds, hindi lang psychological incapacity, na pinakamagastos daw, dahil P100-K sa psychologist fee, P100-K sa initial na bayad sa abogado, per hearing, per appearance may fees. May ibang nagsasabi on average ng P700,000. Sino naman ang may ganyang pera para sa iisang proseso gaano man kaimportante,” diin ni Hontiveros.

Tiniyak naman ng senador na handa na siyang maglabas ng committee report hinggil sa panukalang dissolution of marriage upang pagdebatehan na sa plenaryo.

“I believe we had a good first hearing at nag lu-look forward ako sa paglabas ng committee report para ma-debate na ito sa floor at maamyendahan,” diin ni Hontiveros.

“Ready na po ako mag-draft ng committee report pending na lang ang ilang submission tulad mula sa Department of Justice,” dagdag nito.

Kumpiyansa naman ang senador na mas marami siyang kasamahan sa 18th Congress ang susuporta sa panukala lalo na kung ang gagamiting termino ay dissolution of marriage sa halip na divorce.

“Ang nararamdaman ko ngayon ay may mas kinabukasan ang mas maraming kasama sa senado dito sa dissolution of marriage bills. Batay sa pakikipag-usap ko sa mga kasamang senador, there is more openness on these bills that other contentious bills,” dagdag nito.

Sa kanyang committee report, sasagutin din ang isyu ng mga religious organizations  hinggil sa sinasabing sapat na ang mga batas gayundin ang isyu ng sanctity of marriage at kapakanan ng mga bata.

“Batay sa solidong tinatayuan ng mga bills na ito, of course, kinikilala ‘yung constitutional principle tungkol sa kasalan, sa buhay pamilya, sa mga bata at kasama na ‘yung best interest of the child,” diin ni Hontiveros.

“Dahil rights-based approach lagi ‘yung pag tingin doon sa karapatan ng mga babae, kabataan in matters of marriage and family, magkaroon ng konkretong human at state-provided civic, secular solutions sa mga loveless, abusive, or violent marriages dahil naniniwala kami sa second chances,” dagdag pa nito.

 

263

Related posts

Leave a Comment