(NI BERNARD TAGUINOD)
BIBIGYAN ng tig-P7,000 ang mga bawat magsasaka na naapektuhan sa Rice Tariffication and Liberalization Law upang matulungan ang mga itong bumangon matapos malugi sa kanilang ani.
Ito ang nakapaloob sa P8.4 Billion supplemental budget na isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng House Bill 5669 o Conditional Cash Transfer for Farmers na iniakda ni Albay Rep. Joey Salceda.
Base sa nasabing panukala, kukunin ang pondo sa isinauli ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa National Treasury na hindi nila nagamit sa mga nagdaang mga panahon at itulong na lamang sa mga magsasaka.
Magugunita na nagreklamo ang mga magsasaka matapos bumaba ang presyo ng kanilang palay ng P10 hanggang P14 kada kilo mula sa dating P21 kada kilo bago naipatupad ang nasabing batas noong Marso 2019.
Dahil dito, nagpasya ang Kongreso na bigyan ng ayuda ang mga magsasaka ng tig-P7,000 bawat isa upang makabangon ang mga ito sa kanilang matinding pagkalugi sa nagdaang dalawang anihan.
Gayunpaman, tanging ang mga magsasaka na hindi tataas sa dalawang ektarya ang sinasaka ang bibigyan ng P7,000 dahil ang mga ito ang labis na naapektuhan sa nasabing batas.
Bukod ang pondong ito sa P6.9 Billion na nakalaan sa rice subsidy ng mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na gagamitin naman sa pagbili ng palay ng mga magsasaka sa mataas na halaga.
Inaatasan sa nasabing panukala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang mangangasiwa sa cash transfer sa mga magsasaka sa mga ‘major rice producing provinces’.
198