P8.6-B AYUDA SA AIRLINE FIRMS, TABLADO SA SENADO

TINIYAK ni Senadora Grace Poe na hindi magaganap ang kahilingan ng kumpanya ng mga eroplano na bigyan sila ng P8.6 bilyong ayuda kada buwan na manggagaling sa pamahalaan dahil sa negatibong epekto ng coronavirus – disease 2019 (COVID-19) sa aviation industry.

Ang paninindigan ni Poe ay sagot sa ‘opisyal’ na kahilingan ng Air Carriers Association of the Philippines (ACAP) na ipinarating sa Senate Committee on Public Services.

Idinahilan ng ACAP sa komiteng pinamumunuan ni Poe na malaki ang epekto sa kanilang hanay ng pagpapatigil ng operasyo ng mga eroplano simula nang magkaroon ng “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon mula Marso 17 hanggang Mayo 15.

Tinatayang mahigit sa P250 bilyon ang ikinalugi ng aviation industry mula huling dalawang linggo ng Marso hanggang bago sumapit ang Mayo 15.

Sabi ni Poe, “Siguro ‘yung mga airline companies [ay] puwede silang pumunta [sa] bangko at humiram ng pera… May mas malaking tiyansa na mabigyan sila ng tulay para makakuha ng pondo, pero itong mga jeepney driver na ito, kanino pa sila aasa?”

Idiniin ni Poe na higit na mahalaga na bigyang ng ayuda ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan dahil tigil – pasada sila simula noong unang araw ng ECQ.

Hanggang ngayong “modified enhanced community quarantine” (MECQ) na ang pinaiiral sa maraming rehiyon at lalawigan sa Luzon, kabilang na ang Metro Manila na mistulang imbudo ng mga sasakyan at tao, ay patuloy pa rin ang tigil – pasada ng mga pampublikong transportasyon.

Matatandaang noong Abril pa lamang ay nanawagan si Poe sa Department of Transportation (DOTr) na gamitin nito ang P17 bilyong badyet bilang pondo sa “Pantawid Pasada” sa mga tsuper na nawalan ng kita sa panahong umiiral ang ECQ sa Luzon sa halip na gamitin sa mga proyekto ng DOTr ngayong 2020. NELSON S. BADILLA

180

Related posts

Leave a Comment