PAG-ABUSO NG PULIS SISILIPIN NG PNP

OIC GAMBOA

IIMBESTIGAHAN ng Philippine National Police ang umano’y pag-abuso ng ilan nilang tauhan na kabilang sa mga nagbigay ng seguridad sa idinaos sa Traslacion nitong Huwebes.

“All of these thing will be assessed. If there is a need to investigate then we will investigate,” pagtiyak ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa.

Subalit nilinaw ni Gamboa na ipauubaya niya ito sa PNP-NCRPO na may kapangyarihang magpataw ng kaukulang disciplinary measures at magsumite ng kaukulang ulat sa punong himpilan.

Matatandaang inireklamo ng ilang deboto na mistula umano silang mga raliyesta kung ituring ng mga pulis dahil sa higpit ng pagbabantay ng mga ito at pagbabawal sa kanilang makalapit sa andas.

May mga nasaktan umanong deboto, may naipit, ginamitan ng pepper spray, natapakan ng mga pulis at sundalo na naka-combat boots at may TV reporter na inagawan umano ni Southern Metro Manila police chief Brig. Gen. Nolasco Bathan ng cellphone habang dinodokumento nito ang girian ng mga deboto at security forces ng gobyerno.

Dinepensahan naman ni NCRPO chief Bgen. Debold Sinas ang mga pulis at sinang-ayunan si Manila Mayor Isko Moreno na tagumpay at matiwasay ang Traslacion 2020.

At kung siya pa rin umano ang mamamahala sa susunod na Traslacion ay dadagdagan pa niya ang mga pulis at sundalong itatalaga bilang security.

Bilang pasasalamat sa mga pulis, pinag-aaralan din ni Sinas ang paggawad ng tatawaging “Traslacion pin” sa libo-libong pulis na nagbantay sa seguridad ng mga deboto at lahat ng nakilahok sa prusisyon.

Reklamo ng reporter

Isinumbong kay acting PNP chief at Interior Secretary Eduardo Año ang pang-aagaw umano ng cellphone ni P/BGen Nolasco Bathan sa isang reporter.

Tinangka pa umano ni Bathan na burahin ang recorded video footage sa cellphone ni GMA 7 Reporter Jun Veneracion na tahasang itinanggi ng opisyal.

“Bakit nabura ang video ko Sir?” tanong ni Veneracion sa opisyal. Sinagot umano siya ni Bathan na “Wala akong binura dyan, saksi ko pa ang Itim na Nazareno.”

Matapos isoli ng heneral ang cellphone sa TV reporter ay humingi rin ito ng paumanhin.

“I would like to apologize for what happened at Ayala Bridge, Manila during the Procession of the Black Nazarene 2020 wherein I confiscated the cellular phone of the media personality who was later on identified as Mr. Jun Veneracion of GMA 7 thinking that he was someone who poses threat during the procession,” sabi sa official statement na ipinalabas ng SPD sa mga mamamahayag.

Sinabi ni Dir. Bathan na nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mga pulis at deboto ng Black Nazarene nang kunan ng video ni Veneracion at hindi nakontrol ang pangyayari nang ipaubaya ng kapulisan ang andas sa mga deboto.

Nangako naman si DILG Sec. Año na paiimbestigahan ang pangyayari.

Habang inihayag naman ng PNP na kukunan muna nila ng pahayag ang heneral hinggil sa akusasyon para maging patas.

Samantala, dumipensa rin si P/B. Gen. Bernabe Balba, District Director ng Manila Police District sa mahigpit na crowd management sa kapistahan ng Quiapo kamakalawa.

Depensa ni Balba, kinakailangan nilang maging mahigpit sa pagtupad ng kanilang tungkulin para na rin sa kaligtasan ng lahat at upang matiyak na maiiwasan ang kaguluhan at mga di kanais-nais na pangyayari, na maaari aniyang magresulta sa mass casualty.

Paumanhin ng Palasyo

Humingi rin ng pasensiya ang Malakanyang sa mga hindi inaasahang pagkilos at ginawa ng mga pulis sa mga deboto ng Mahal na Poong Itim na Nazareno.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, kung nagkaroon man ng paghihigpit sa panig ng mga pulis ay dahil kailangan ito para protektahan ang mga deboto.

At sa pagbatikos ng netizens sa ginawa ng PNP at pagturing sa mga deboto na parang mga raliyesta ay sinabi nito na “Siguro this is the first time that they did it this way then maybe next year baka pwede mag-adjust di ba?”

Natawa naman si CabSec Nograles sa pahayag na mag-paa na rin ang mga pulis sa susunod na Traslacion para walang natatapakan ng suot nilang combat shoes. (JESSE KABEL, RENE CRISOSTOMO, DAVE MEDINA at CHRISTIAN DALE)

191

Related posts

Leave a Comment