Pagbaba ng bigas sa P25/K bomalabs NANANAGINIP SI BONGBONG

(BERNARD TAGUINOD)

“BAKA nasa panaginip lang ng Pangulo.”

Reaksyon ito ng grupo ni dating congressman at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus Rafael Mariano ukol sa ipinagmamalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nabibili na ang mga bigas sa Kadiwa sa halagang P25 kada kilo.

Ayon kay Cathy Estavillo ng Bantay Bigas at AMIHAN National Federation of Peasant Women, walang katotohanan na nagbebenta ang mga Kadiwa ng bigas sa naturang halaga at kung meron man ay mas mahal ang pasahe bago makarating sa mga lugar na meron nito.

“Sa probinsya ng Isabela, nag-iisa ang KADIWA store at mas mahal pa ang pamasahe para makapunta doon kaysa sa sinasabing P25 kada kilo ng bigas,” ayon pa kay Estavillo.

Kahit maghapong ikutin aniya ang lahat ng mga palengke, ang pinakamababang bigas na mabibili ay P36 kada kilo at karaniwan nasa P40 hanggang P55 bawat kilo. Wala rin aniyang laman ang lalagyan ng NFA rice.

Lalong hindi naniniwala ang grupo ni Mariano na mangyayari ang sinasabi ni Marcos na malapit nang mabili ang bigas sa halagang P20 kada kilo kung wala itong suporta sa mga magsasaka.

“Ang unang dapat gawin para maabot ang P20 na kilo ng bigas ay itigil ang importasyon ng bigas. Dapat ibuhos ang lahat ng suporta sa ating mga rice farmers at ipatupad na ang Rice Industry Development Act o RIDA,” ani Mariano.

Kailangan din aniyang ibasura ni Marcos ang Rice Tariffication Law na naging dahilan ng pagbaha ng imported na bigas sa bansa at tanging ang mga rice importer ang nakinabang habang nalugmok naman aniya ang mga magsasaka.

Sa ngayon, nakakulong aniya ang mga magsasaka sa mataas na presyo ng binhi, kemikal na abono-pestisidyo at napakamahal na gastos sa produksyon at pamumuhay. Kailangan aniya ng ayuda at suporta ng nasabing sektor kung nais ni Marcos na matupad ang kanyang P20 kada kilo ng bigas.

“Sana tumapak sa lupa ang Pangulo para makita niya ang totoong kalagayan ng mamamayan at magsasaka. Kahit nandyan ang Kadiwa, kung nandyan pa rin ang kartel at sindikato sa industriya ng bigas na nagkokontrol sa presyuhan, distribusyon at maging sa produksyon ng mga produkto at bilihin, hindi talaga bababa ang presyo,” ayon pa kay Mariano.

145

Related posts

Leave a Comment