(NI MAC CABREROS)
PABOR ang Department of Education (DepEd) sa hakbang ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina na pagpapakain sa mga bata ng masustansyang tinapay na nutribun.
Ayon sa DepEd, sang-ayon sila sa anumang feeding program na makatutulong sa kalusugan at edukasyon ng mga bata.
“Mahalaga na malakas ang katawan ng mga bata para makapag-aral ng maayos,” pahayag DepEd.
Binanggit na hindi natututo ang isang bata kapag kumakalam ang tiyan at mahina ang katawan dahil sa malnutrisyon.
Batid din ito ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro kaya kanilang isinulong ang pamimigay ng nutribun sa mga kinder at elementary pupils.
Mahigpit na ipinagbabawal ng DepEd ang paglalako ng sitsirya at anumang may masamang epekto sa katawan ng mga bata.
Magugunitang programa ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang pamamimigay ng nutribun sa mga paaralan na sinimulan noong 1971. Ito ay para maagapan ang paglobo ng malnutrisyon sa bansa noong panahong nabanggit.
Nabatid na ang isang pirasong tinapay ay katumbas ng isang tasa ng kanin.
170