PAGBALANGKAS NG PROGRAMA PARA SA PINOY POGO WORKERS PINAMAMADALI

PINAMAMADALI na ni Senador Win Gatchalian sa Department of Labor and Employment ang pagpapatupad ng detalyadong programa na makakatulong sa mga Pilipinong manggagawa na posibleng maapektuhan sakaling ipagbawal na ang operasyon ng Philippine Overseas Gaming Operators (POGO).

Bagama’t sinabi na ng DOLE na tinitingnan nito kung paano matutulungan ang mga Filipino POGO workers, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang magkaroon ng makabuluhan at detalyadong programa para sa kanila, kabilang ang “retooling at upskilling” ng kanilang mga kasanayan.

Tinatayang nasa 22,000 na mga pinoy ang kasalukuyang nagtatrabaho sa mga POGO operators sa bansa.

“Bagama’t hindi natin inaasahan ang biglaang pagsasara ng mga POGO sa bansa, mahalaga na mayroon nang nakahandang tulong o interbensyon para sa mga manggagawang Pilipinong mawawalan ng trabaho upang makahanap agad sila ng kapalit na trabaho sa lalong madaling panahon,” saad ni Gatchalian.

Sinabi ng senador na maaaring magpatupad ng isang mekanismo na direktang makikipag-ugnayan sa mga maaalis na mga empleyado ng POGO upang makalipat sa iba pang mga industriya tulad ng Business Process Outsourcing (BPO).

Ipinunto niya na ang lokal na industriya ng BPO, na nasa bansa sa nakalipas na 20 taon, ay kasalukuyang mayroong humigit-kumulang na 1.5 milyong Pilipinong empleyado at nakapagtala ng taunang growth rate na 8%.

Inaasahang lalago ng 10% ang industriya sa susunod na 5 hanggang 10 taon, na nangangahulugan ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Sa kabilang banda, bumaba ang bilang ng mga accredited service provider ng mga lisensyadong POGO mula 2019 hanggang 2022.

Mayroong 231 na accredited service provider ng POGO noong 2019 at bumaba ito sa 123 sa kasalukuyan, batay sa datos ng Philippine Gaming Corp. (PAGCOR). (DANG SAMSON-GARCIA)

9

Related posts

Leave a Comment