PAGBASA NG SENTENSIYA SA AMPATUAN MASSACRE GAWING LIVE – SOLON

(NI BERNARD TAGUINOD)

SINUPORTAHAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang apela sa Korte Suprema na payagan ang live coverage ang promulgation o pagbasa ng sentensya sa mga suspek sa Maguindanao massacre.

Ayon sa dating mamamahayag na si ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran, karapatan ng mamamayang Filipino, lalo na ang mga kaanak ng mga biktima ng karumal-dumal na krimeng ito na mapanood ang pagbaba ng sentensya sa mga pumatay sa kanilang mga mahal sa buhay.

“Puwede namang bigyan na lang ng restrictions ang media coverage, tulad noong 2011 nang payagan ng Korte Suprema ang coverage ng hearing basta’t  tuluy-tuloy at walang annotation mula sa reporters o broadcasters,” ani Taduran.

Sa Disyembre 19 ay inaasahang ibababa na ng Quezon City Regional Trial Court ang sentensya sa mga nasa likod ng pagpatay sa 58 katao na kinabibilangan ng 32 mamamahayag sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

Pangunahing  suspek sa nasabing karumaldumal na krimen ang pamilyang Ampatuan na political kingpin sa Maguindanao sa pangunguna ni Andal Ampatuan Jr. anak nito na si Andal Sr,  kapatid nitong si dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan at marami pang iba.

Ayon kay Taduran, tiyak na susubaybayan ng mga Filipino ang promulgation na mahigit 10 taon na aniyang hinintay ng sambayanan na uhaw umano sa katarungan.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa Korte Suprema na payagan ang live coverage sa nasabing promulgation upang kahit ang mga nasa malalayong lugar ay mapanood ang pagbaba ng katarungan.

 

333

Related posts

Leave a Comment